Pangulo ng Tsina at Kazakhstan, nag-usap: paglagda sa mga dokumentong pangkooperasyon, magkasamang sinaksihan

2023-05-18 10:12:27  CMG
Share with:

Mayo 17, 2023, lunsod Xi’an, lalawigang Shaanxi – Sa pagtatagpo nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Kassym-Jomart Tokayev ng Kazakhstan, sinabi ni Xi na ang Tsina at Kazakhstan ay tunay na magkaibigan, magkapatid at magkapartner, at matatag na suportado ng Tsina ang pangangalaga ng sariling teritoryo at soberanya ng Kazakhstan.

 

Dapat aniyang palawakin ng dalawang bansa ang kooperasyon sa e-komersyo, pamumuhunan, agrikultura, industriya ng kotse at enerhiya, at palakasin ang pagpapalitang tao-sa-tao at pagtutulungang pangkultura.

 

Tinukoy pa niyang, kasama ng mga bansa sa Gitnang Asya na gaya ng Kazakhstan, nakahandang isulong ng Tsina ang Summit ng Tsina at Gitnang Asya upang maging mahalagang plataporma ng malalimang kooperasyon ng dalawang panig.

 

Ipinahayag naman ni Tokayev na kasama ng Tsina, nakahanda rin ang Kazakhstan na ibayo pang pahigpitin ang relasyon ng dalawang bansa at palawakin ang kooperasyon sa kalakalan, turismo, kultura at iba pa.

 

Nagagalak aniya siya sa pagkakalagda ng kasunduan sa visa free ng dalawang bansa.

 

Ito ay magpapasigla sa pagkakaunawaan ng mga Kazakh at Tsino, aniya.

 

Sinabi pa ni Tokayev na patuloy at aktibong lalahok ang kanyang bansa sa konstruksyon ng Belt and Road Initiative at kinakatigan ang mga mungkahi ni Xi na gaya ng Global Development Initiative, Global Security Initiative at Global Civilization Initiative.

 

Kasama ng Tsina, nakahanda ang Kazakhstan na lubos na samantalahin ang mekanismo ng Tsina at Gitnang Asya para magkasamang pasulungin ang katatagan, seguridad at kaunlaran ng rehiyong ito, saad pa niya.

 

Matapos ang pag-uusap, nilagdaan nina Xi ang Tokayev ang magkasanib na pahayag ng Tsina at Kazakhstan, at sinaksihan ang paglagda sa mga dokumento ng kooperasyon sa larangan ng kabuhayan, kalakalan, enerhiya, transportasyon, agrikultura, kultura at iba pa.


Salin: Ernest

Pulido: Rhio