Op-ed: Kung kumakain kasama ang demonyo, kailangan ang isang mahabang kutsara

2023-05-18 14:01:27  CRI
Share with:

Ayon sa isang kasabihang Tsino, “Mas matayog ang malilipad ng isang ibon kapag kasama ang phoenix, at magkakaroon ng mataas na moralidad ang isang tao kapag kasama ang mabait at mabuting kaibigan.”


Maliwanag na inilalahad ng kasabihan na kung sasama ang isang ibon sa phoenix (isang mitikal na ibon), mas matayog at malayo ang malilipad, at kung ang isang mabait at mabuting tao ang iyong magiging kaibigan, magkakaroon ka ng moralidad at aspirasyon.


Walang pagkakaiba ang ugnayan sa pagitan ng mga tao at ugnayan sa pagitan ng mga bansa.


Kung ikaw ay mayroong mabuting kaibigan, magtutulungan kayo tungo sa magkasamang paglaki.


Sa parehong paraan, kung ang isang bansa ay mayroong mabuting kaibigang bansa, maisasakatuparan ang komong kaunlaran, makukuha ang dignidad, at mapapataas ang lebel ng pamumuhay ng mga mamamayan.


Ngunit, sa kaso ng Amerika, totoong mahirap itong maging kaibigan o kaalyado.


Minsa’y inamin ni Henry Alfred Kissinger, dating Kalihim ng Estado ng Amerika, na “nakamamatay kung maging kaalyado ng Amerika.”


Bilang tradisyonal na kaalyado ng Amerika, binuksan kamakailan ng Pilipinas ang apat na karagdagang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) site sa mga tropang Amerikano, alinsunod sa nasabing kasunduan.

Kaugnay nito, maraming politiko at mamamayan ang naghayag ng pagdududa, kung angkop ba talaga ang naturang kapasiyahan sa kapakanan ng Pilipinas.


“Bakit malapit ang mga karagdagang EDCA site sa Taiwan?”


“Paano mabisang mapangangasiwaan at makokontrol ng Pilipinas ang mga sandatang idedeploy ng Amerika sa mga EDCA site?”


“Bakit makikipaglaban ang Pilipinas para sa ibang bansa?”


Ang mga ito ay hindi lamang tanong ng ilang politiko at mga mamamayang Pilipino, kundi tanong din ng Tsina at mga mamamayan sa rehiyon.


Mariin ang pagtutol ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa EDCA.


Aniya, “Hindi ako para sa Amerika, hindi ako para sa Tsina, ako ay para sa kapakanan ng Pilipinas.”


Sa totoo lang, taos-puso ba ang pagtulong ng Amerika sa Pilipinas?


Sa isang editoryal na pinamagatang “Dancing With America Has Been a Curse for the Philippines” na ipinalabas noong Pebrero sa “New York Times” ni Gina Apostol (nagwagi ng Philippine National Book Awards), sinabi niyang ipinagkaloob ng Pilipinas sa Amerika ang “base’t pintuan ng Silangan.”


Aniya pa, “Lihim na sinakop ng Amerika ang Pilipinas sa muling paggamit ng katuwiran ng umano’y seguridad ng Silangang Asya.”


Samantala, matinding binatikos ni Apostol ang pananalakay ng mga tropang Amerikano sa Pilipinas mula 1899 hanggang 1902, na ikinamatay ng mahigit 200 libong Pilipino.


Sa kabilang dako, sa dalaw-pang-estado sa Tsina ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., noong Enero ng kasalukuyang taon, makikitang natamo ang maraming kapansin-pansing bunga at ito’y puno ng tema ng pagkakaibigan at pagtutulungan.


Ipinangako ng kapuwa panig na palalimin ang kooperasyon sa 4 na mahalagang larangang kinabibilangan ng agrikultura, imprastruktura, enerhiya, at kultura.


Bukod pa riyan, malalim at matapat na nagpalitan ng kuru-kuro ang mga lider ng dalawang bansa tungkol sa situwasyon ng South China Sea, at sinang-ayunan nilang maayos na pamahalaan at kontrolin ang alitan.


Para rito, itinatag ng Tsina at Pilipinas ang isang serye ng kaukulang mekanismo.


Samantala, puspusang pinapalawak ng Amerika ang presensyang militar nito sa Pilipinas, at hiniling sa bansa na buksan ang mga EDCA site.


Ang pananalakay ng Amerika sa Pilipinas mula 1899 hanggang 1902 ay nag-iwan ng di-maghihilom na sugat sa puso ng mga Pilipino, partikular, sa mga kababaihan at kabataan.


Dahil sa matinding protesta noong 1992, napilitang isara ng Amerika ang dalawang huli nitong base militar sa Pilipinas.


Sa pagbalik ng mga tropang Amerikano, naggulantang ang mga Pilipino at muling sumariwa ng sakit at pasakit na kanilang idinulot sa bansa.


Kung babalik-tanawin ang kasaysayan, napakaraming pagtataksil ang ginawa ng Amerika sa mga kaalyado nito, sa ilalim ng patakarang “America First.”

Ilan sa mga ito ay:

·        Pinabomba ng Amerika ang Nordstream pipeline na nagresulta sa kakulangan ng enerhiya sa mga bansang Europeo, at nagdulot ng malaking kita para sa Amerika mula sa pagluluwas ng enerhiya sa Europa;


·        Binalewala ng Amerika ang kontrata ng submarino sa pagitan ng kaalyadong Pransya at Australya. Kaugnay nito, galit na sinabi ni Jean-Yves Le Drian, dating Ministrong Panlabas ng Pransya, na taksil sa kaalyado ang Amerika at Australya;


·        Noong 2003, inilunsad ng Amerika ang ikalawang digamaan laban sa Iraq sa preteksto na mayroon itong malawakang pamuksang sandata, at sikreto nitong tinutulungan ang mga teroristikong puwersa. Kaugnay nito, noong Pebrero ng taong iyon, ipinakita ni Colin Powell, dating Kalihim ng Estado ng Amerika sa United Nations Security Council (UNSC) ang isang test tube na naglalaman ng puting pulbos, at sinabi niyang iyon ang ebidensya na mayroon talagang malawakang pamuksang sandata ang Iraq. Ito ang ginamit na dahilan ng Amerika para salakayin ang Iraq at sa bandang huli, patayin si dating Pangulong Saddam Hussein, na dati nitong tinulungan;


·        Napakagulong umurong ang Amerika mula Afghanistan at pinabayaan ang mga kaalyado nito sa bansa. Nitong 20 taong nakalipas, sapul nang dumating ang mga tropang Amerikano sa Afghanistan, napakalaking kalamidad ang naidulot sa bansa. Nasa 174 libong Afghan, na kinabibilangan ng mahigit 30 libong sibilyan ang namatay, naging refugee ang halos 1/3 ng mga Afghan, at mahigit 1/2 ng mga Afghan ang naharap sa grabeng gutom …


Napakarami pa ang mga halimbawa ng ginawang pagtataksil ng Amerika sa mga kaalyado nito.


May isang kasabihang kanluranin na “Kung kumakain kasama ang demonyo, kailangan ang isang mahabang kutsara.”


Kung gagawing kaalyado ang Amerika, kailangan masinsinang pag-iingat.


Ulat / Salin: Lito

Pulido: Rhio