Nag-usap Huwebes, Mayo 18, 2023 sa Xi’an ng lalawigang Shaanxi ng Tsina sina Pangulong Xi Jinping at kanyang counterpart na si Shavkat Mirziyoyev ng Uzbekistan.
Tinukoy ni Xi na kasama ng Uzbekistan, nakahanda ang Tsina na palalimin ang komprehensibong kooperasyon at itatag ang komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan ng dalawang bansa.
Idiniin ni Xi na matatag na sinusuportahan ng Tsina ang pangangalaga ng Uzbekistan sa sariling teritoryo at soberanya.
Saad ni Xi, dapat palawakin ng dalawang bansa ang mga kooperasyon sa kalakalan, pamumuhunan, enerhiya, kalusugan, kultura, pagpawi ng kahirapan, at paglaban sa terorismo.
Ipinahayag ni Mirziyoyev na matatag na iginigiit ng Uzbekistan ang patakarang isang Tsina.
Saad niyang nakahanda ang kanyang bansa na pag-aralan ang karanasan ng Tsina sa pagpawi ng kahirapan, patuloy na palalimin ang kooperasyon sa Tsina sa iba’ t ibang larangan.
Kasama ng Tsina, nakahanda rin ang Uzbekistan na pahigpitin ang pagkokoordinahan sa mga multilateral na mekanismo para magkasamang pasulungin ang seguridad at kaunlaran ng rehiyon, dagdag pa ni Mirziyoyev.
Matapos ang pag-uusap, nilagdaan nina Xi at Mirziyoyev ang magkasanib na pahayag ng Tsina at Uzbekistan, at sinaksihan din nila ang paglagda sa mga dokumento ng kooperasyon sa larangan ng pamumuhunan, pagpawi sa kahirapan, kalakalan ng produktong agrikultural at iba pa.
Salin: Ernest
Pulido: Ramil