Panghihimasok ng G7 sa mga suliraning panloob ng Tsina, dapat itigil

2023-05-21 14:13:02  CRI
Share with:

Sa magkasanib na pahayag ng Group of Seven (G7) Summit, inilabas ang panunulsol sa mga temang may kinalaman sa Tsina; walang galang na binanggit ang situwasyon sa Taiwan Strait; sinabi ang maraming bagay tungkol sa East China Sea, South China Sea, Xinjiang, Tibet, puwersang nuklear ng Tsina; at binatikos ang Tsina sa katuwiran ng umanoy “koersyong pang-ekonomiya.”


Bilang sagot, sinabi Mayo 20, 2023 ng tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina na ang G7 ay para sa “pagpapasulong ng kapayapaan, katatagan, at kasaganaan sa daigdig,” ngunit ang kanilang ginagawa ay nakakahadlang sa kapayapaang pandaigdig, nakakapinsala sa katatagang panrehiyon, at pumipigil sa pag-unlad ng ibang bansa.


Walang anumang pandaigdigang kredibilidad ang G7, diin niya.


Sa kabila ng malubhang pagkabahala ng panig Tsino, lantaran aniyang ginamit ng G7 ang mga temang may kaugnayan sa Tsina upang dungisan at atakehin, at walang galang na panghimasukan ang mga suliraning panloob ng bansa.


Ipinapahayag ng panig Tsino ang mahigpit na kawalang-kasiyahan at matinding pagtutol tungkol dito, dagdag niya.


Iniharap na rin aniya ang solemnang representasyon sa kaukulang panig na kinabibilangan ng Hapon, host ng nasabing summit.


Saad ng tagapagsalita, ang Taiwan ay Taiwan ng Tsina, at ang prinsipyong isang-Tsina ay matibay na angkla ng pangangalaga sa kapayapaan at katatagan ng Taiwan Strait.


Hindi dapat aniya hamakin ng sinuman ang matatag na determinasyon, matibay na kusang-loob, at malakas na abilidad ng mga mamamayang Tsino sa pagtatanggol sa soberanya at kabuuan ng teritoryo ng bansa.


Diin ng tagapagsalita, ang mga suliranin ng Hong Kong, Xinjiang, at Tibet ay suliraning panloob ng Tsina, at mariing tinututulan ng Tsina ang panghihimasok dito ng anumang dayuhang puwersa sa katuwiran ng umano’y “karapatang pantao.”


Dapat malalim na pagsisihan ng G7 ang kanilang sariling kasaysayan at masamang rekord ng karapatang pantao, at agarang itigil ang pakikialam sa nasabing mga usaping panloob ng Tsina, dagdag niya.


Kaugnay ng isyung pandagat, sinabi niya na ang Tsina ay matatag na tagapagtanggol at tagapagtayo ng pandaigdigang batas sa dagat.


Sa kasalukuyan, matibay sa kabuuan ang situwasyon sa East China Sea at South China Sea, at dapat totohanang igalang ng kaukulang bansa ang ginagawang pagsisikap ng mga bansa sa rehiyon upang pangalagaan ang kapayapaan at katatagan, at itigil ang paninira sa relasyon ng mga bansa sa rehiyon sa paggamit ng isyung pandaigdig, aniya pa.


Tungkol naman sa umano’y “koersyong pang-ekonomiya,” sinabi niya na malawakang ginagamit ng Amerika ang unilateral na sangsyon, at isinusulong ang pagkalas at pagsibak sa kadena ng industriya at suplay sa daigdig.


Ang Amerika aniya ang tunay na namimilit isapulitika at gawing sandata ang relasyong pangkabuhayan at pangkalakalan.


Pinapayuhan aniya ng panig Tsino ang G7 na huwag maging kasabwat sa pagsasagawa ng koresyong pang-ekonomiya.


Kaugnay ng puwersang militar, sinabi ng tagapagsalita na palagiang sumusunod ang Tsina sa depensibong estratehiyang nuklear at patakaran ng hindi-unang paggamit ng sandatang ito.


Sa 5 bansang may sandatang nuklear, ang Tsina ang tanging bansang gumawa ng nasabing pangako, diin niya.


Salin: Lito

Pulido: Rhio