Ika-76 WHA, binuksan sa Geneva: pagpapabuti ng kalusugang pampubliko, ipinanawagan

2023-05-22 16:45:10  CMG
Share with:

Sa kanyang talumpati sa pagbubukas, Mayo 21, 2023, sa Geneva, Switzerland ng Ika-76 na World Health Assembly (WHA), ipinahayag ni Antonio Guterres, Pangkalahatang Kalihim ng United Nations (UN), na sapul nang itatag ang World Health Organization (WHO), malaking progreso ang natamo ng kalusugan ng sangkatauhan.

 

Sa kabila nito, ang mga banta aniyang gaya ng digmaan at sagupaan, pagbabago ng klima, at pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) ay humahadlang pa rin sa pag-unlad ng kalusugang pampubliko ng daigdig.

 

Kaya, ipinanawagan niya ang patuloy na pagpapahigpit ng kooperasyon, upang magkakasamang mapabilis ang pagsasakatuparan ng mga target ng sustenableng pag-unlad at katigan ang target ng WHO sa implementasyon ng pinakamataas na istandard ng kalusugan para sa lahat ng mga tao.

 

Sa kanya namang hiwalay na talumpati, sinariwa ni Tedros Adhanom Ghebreyesus, Pangkalahatang Direktor ng WHO, ang mahahalagang bungang nakamit ng WHO sa loob ng 75 taong nakaraan.

 

Sinabi niyang kahit kinakaharap ng WHO ang mga masalimuot na hamon at kahirapan, matibay pa rin ang kanilang pagsisikap para isakatuparan ang target ng pagpapabuti ng kalusugan ng sangkatauhan.

 

Ang tema ng Ika-76 na WHA ay “Ika-75 Anibersaryo ng WHO: Pagliligtas ng Buhay at Pasusulong ng Kalusugan ng Lahat.”


Salin: Ernest

Pulido: Rhio