Walang-batayang pagbatikos ng Amerika, matinding tinututulan ng Tsina

2023-06-04 14:30:32  CRI
Share with:

Sa press conference sa Shangri-La Dialogue, inilahad ng delegasyong Tsino Hunyo 3, 2023 ang matinding pagtutol sa binitawang pagbatikos sa Tsina ni Lloyd Austin, Kalihim ng Tanggulang Bansa ng Amerika.


Ipinaliwanag din ng delegasyon, ang prinsipyo at posisyon ng Tsina sa “estratehiyang Indo-Pasipiko,” isyu ng Taiwan, isyu ng South China Sea, at relasyon ng hukbong Sino-Amerikano.


Anito, “ang pamumuno ay hindi nangangahulugang hegemonya, ang katayuan ay tumutukoy sa gawa, at mas malakas ang tinig ng kilos kaysa sa salita.”


Ayon kay Lieutenant General Jing Jianfeng, Deputy Chief of the Joint Staff Department ng Central Military Commission ng Tsina, ang esensya at layon ng “estratehiyang Indo-Pasipiko” ng Amerika ay patibayin ang hegemonya nito.


Kaugnay ng isyu ng Taiwan, mariing pinuna ni Jing ang maling pananalita ng panig Amerikano.


Aniya, walang patid na pinapahina ng panig Amerikano ang prinsipyong isang-Tsina, pinalalakas ang opisyal na pakikipag-ugnayan sa rehiyong Taiwan, hinihikayat ang mga separatistang aksyon ng puwersang naninidigan sa “pagsasarili ng Taiwan,” pinapataas ang bilang at kalidad ng mga ibinebentang sandata sa Taiwan, madalas na pinapasok ang Taiwan Strait upang ipakita ang dahas, at sinusulsulan ang ibang mga bansa upang manghimasok sa isyu ng Taiwan.


Ang isyu ng Taiwan ay nukleong kapakanan ng Tsina, at hinding-hindi yuyukod ang Tsina sa isyung ito, diin niya.


Tungkol sa isyu ng South China Sea, ipinahayag ni Jing na nitong ilang taong nakalipas, palagiang nakikialam ang Amerika sa isyung ito.


Ito aniya ay ganap na taliwas sa hangarin at pagsisikap ng mga bansa sa rehiyon na humahanap ng kapayapaan at kaunlaran at nagpapasulong ng katatagan.


Ipinagdiinan niya na may kakayahan, kompiyansa at katalinuhan ang mga bansa sa rehiyong ito na mabuting pangasiwaan ang isyu ng South China Sea, at di kailangang manghimasok ang mga bansa sa labas ng rehiyon.


Kaugnay ng relasyon ng dalawang hukbo, tinukoy ni Jing na pinahahalagahan ng panig Tsino ang ganitong relasyon.


Dapat aniyang isabalikat ng panig Amerikano ang responsibilidad sa kasalukuyang kahirapan ng relasyon ng kapuwa hukbo.


Hinimok niya ang panig Amerikano na totohanang igalang ang nukleong kapakanan at mahalagang pagkabahala ng panig Tsino, at alisin ang hadlang sa pamamagitan ng aktuwal na aksyon upang mapanumbalik ang normal na relasyon ng dalawang hukbo.


Salin: Lito

Pulido: Rhio