Ayon sa datos na inilabas kahapon, Hunyo 7, 2023 ng Pangkalahatang Administrasyon ng Adwana ng Tsina, umabot sa 3.45 trilyong yuan Renminbi ang bolyum ng kalakalang panlabas ng bansa noong nagdaang Mayo, at ito ay lumaki ng 0.5% kumpara sa gayunding panahon ng nagdaang taon.
Anito pa, patuloy ang paglaki ng bolyum ng kalakalang panlabas ng bansa sa nakalipas na 4 na buwan.
Kaugnay nito, ang halaga ng kalakalang panlabas ng Tsina mula Enero hanggang Mayo 2023 ay umabot sa mahigit 16.7 trilyong yuan Renminbi, na lumaki ng 4.7% kumpara sa gayunding panahon ng 2022.
Samantala, ang kalakalan sa pagitan ng Tsina at ibang mga kasaping bansa ng Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) mula Enero hanggang Mayo 2023 ay katumbas ng mahigit 30% ng kabuuang halaga ng kalakalang panlabas ng Tsina.
Anang adwana, ang ASEAN ay ang pinakamalaking trade partner ng Tsina, at ang kalakalan ng dalawang panig noong unang limang buwan ng 2023 ay umabot sa halos 2.6 trilyong yuan Renminbi.
Ito ay lumaki ng 9.9% kumpara sa gayunding panahon ng taong 2022, dagdag nito.
Sa kabilang dako, ang Unyong Europeo (EU) ay ang ikalawang pinakamalaking trade partner ng Tsina.
Anang adwana, ang halaga ng kalakalan ng dalawang panig noong unang limang buwan ng taong ito ay umabot sa halos 2.3 trilyong yuan Renminbi na lumaki ng 3.6% kumpara sa gayunding panahon ng 2022.
Samantala, ang Amerika at Hapon ay ikatlo at ikaapat na pinakamalaking trade partner ng Tsina, at ang halaga ng kalakalan ng Tsina sa mga ito noong unang limang buwan ng 2023 ay magkahiwalay na bumaba ng 5.5% at 3.5% kumpara sa gayunding panahon ng 2022.
Mula Enero hanggang Mayo ng taong ito, ang halaga ng kalakalan ng Tsina at mga bansa sa kahabaan ng Belt and Road ay umabot sa halos 5.8 trilyong yuan Renminbi, na lumaki ng 13.2% kumpara sa gayunding panahon ng 2022.
Kabilang sa naturang mga bansa, ang bolyum ng kalakalan ng Tsina at mga bansa sa Gitnang Asya ay lumaki ng 44%.
Salin: Ernest
Pulido: Rhio