Ika-50 Anibersaryo ng Relasyong Pilipino-Mongol, ipinagdiwang sa Tsina

2023-06-08 15:37:28  CRI
Share with:

Culture and Information Center of Mongolia, Embahada ng Mongolia, Beijing


Isang pagtitipong may temang “Golden Harmony: a Showcase of Filipino & Mongolian Culture”, ang magkasamang idinaos, Hunyo 7, 2023 ng Pasuguan ng Pilipinas at Pasuguan ng Mongolia sa Culture and Information Center of Mongolia ng Embahada ng Mongolia sa Beijing, kabisera ng Tsina bilang pagdiriwang sa Ika-50 Anibersaryo ng Diplomatikong Relasyon ng dalawang bansa.

Entablado ng pagdiriwang ng Ika-50 Anibersaryo ng Diplomatikong Relasyon ng dalawang bansa


Isang kultural na programa ang naging pinakatampok ng pagtitipon, kung saan, nagtanghal ang mga mang-aawit na Pilipino’t Mongol.

Mga Pilipino at Mongolian na nagtatanghal


Kabilang sa mga itinampok ay pagkanta ng mga awiting Pilipino ng grupong “The Nightingales at Lakbay Guitar Duo,” pag-awit ng tradisyunal na himig ng Mongolia ni Jalam Har, pagtatanghal ng kabigha-bighaning tugtugin gamit ang biyolin na may ukit ng ulo ng kabayo, o Ma Tou Qin sa wikang Tsino, at kolaborasyon ng mga artistang Pilipino’t Mongol.


Maliban diyan, ineksibit din sa Pasuguan ng Mongolia sa Beijing ang mga tradisyunal na telang mula sa Pilipinas at magagandang pintang gawa ng mga artistang Mongol.

Pagbibigay-talumpati ni Emb. Jaime A. FlorCruz


Sa kanyang talumpati, pinasalamatan ni Jaime A. FlorCruz, Embahador ng Pilipinas sa Tsina ang matagumpay at napakagandang kolaborasyon ng mga artistang Pilipino’t Mongol na nagpapakita ng malakas na ugnayang pangkultura ng dalawang bansa.


“Ito ay isang selebrasyon ng harmonya at pagkakaibigan,” aniya pa.


Hinimok ni FlorCruz ang lahat upang magkasamang ipanibago ang relasyong Pilipino-Mongol, at samantalahin ang oportunidad upang mapalawak ang pagtutulungan sa mga susunod pang taon.


Ang Pilipinas ay nananabik sa ibayo pang pakikipagtulungan sa Mongolia, upang maisigurado, na ang ugnayang Pilipino-Mongol ay mananatiling konsistente sa magkasamang pagpapahalaga, at sasalamin sa mga aspirasyon ng mga mamamayan ng dalawang bansa, saad ni FlorCruz.


Hinggil dito, ang mga sinabi ng embahador Pilipino ay konsistente rin sa ideyang “Komunidad na may Pinagbabahaginang Kapalaran ng Sangkatauhan” na isinusulong ng Tsina.

Pagbibigay-talumpati ni Charge d’Affaires Munkhtushig Lkhanaajav


Samantala, sinabi naman ni Munkhtushig Lkhanaajav, Charge d’Affaires ng Pasuguan ng Mongolia sa Tsina, na ang mutuwal na pagtitiwalaan at pagkakaibigan sa pagitan ng mga mamamayan ay malakas na pundasyon ng ugnayan ng mga bansa, at ang kultural na pagpapalitan ay importanteng kagamitan ng mga mamamayan mula sa iba’t-ibang bansa’t rehiyon upang makilala at maunawaan nila ang isa’t-isa.


Kaya naman naniniwala aniya siyang ang mga pagtatanghal sa nasabing aktibidad ay magpapalakas ng mutuwal na pagtitiwalaan at pag-uunawaan ng mga Mongol’t Pilipino.


“Walang mga hanggahan at harang pagdating sa kultura,” diin niya.


Aniya, kailangan ang pagpupunyagi upang ang bilateral na relasyong Mongol-Pilipino ay mapataas pa sa bagong lebel sa mga susunod na panahon.

Mga diplomatikong Filipino at Mongolian na nanonood ng mga pagtatanghal


Ang naturang aktibidad ay dinaluhan ng mga diplomatang Pilipino’t Mongol, mga Pilipino at Mongol na naninirahan sa Tsina, mga kaibigang Tsino, media at iba pa.

 

Ulat/Larawan: Rhio Zablan at Ramil Santos

Patnugot sa teksto: Jade

Patnugot sa website: Lito