Sa pag-uusap, Hunyo 12, 2023 sa Beijing nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Iris Xiomara Castro Sarmiento ng Honduras, sinabi ni Xi, na matatag at patuloy na pasusulungin ng Tsina ang mapagkaibigang relasyon sa Honduras at susuportahan ang pag-unlad ng kabuhayan at lipunan ng bansa.
Aniya pa, kinakatigan ng Tsina ang pagsisikap ng Honduras para pangalagaan ang pambansang soberanya at pabutihin ang pamumuhay ng mga mamamayan.
Suportado rin aniya ng Tsina ang pagpili ng Honduras sa landas ng pag-unlad na angkop sa sariling pambansang kalagayan at pagtutol sa pakikialam ng anumang dayuhang puwersa sa mga suliraning panloob ng bansa.
Saad pa ni Xi, aktibong pasusulungin ng Tsina ang pagpasok ng mga produkto ng Honduras sa pamilihang Tsino at bubuksan ang talastasan hinggil sa malayang kalakalan sa lalong madaling panahon.
Ipinahayag naman ni Castro ang matatag na pagkatig ng kanyang bansa sa prinsipyong isang-Tsina at pagsisikap ng Tsina para sa reunipikasyon ng bansa.
May kompiyansa aniya siyang magkakaroon ng mas marami at mas magandang pagkakataon ng pag-unlad ang Honduras mula sa bilateral na relasyon sa Tsina.
Kasama ng Tsina, umaasa ang Honduras na mapapahigpit ang kooperasyon sa mga larangang gaya ng kalakalan, pamumuhunan, imprastruktura, telekomunikasyon, enerhiya, agham at teknolohiya, kultura, at pagpapalitang tao-sa-tao, dagdag niya.
Matapos ang pag-uusap, sinaksihan nina Xi at Castro ang paglalagda sa mga dokumentong pangkooperasyon sa mga larangang gaya ng magkasamang konstruksyon ng Belt and Road, kabuhayan, kalakalan, agrikultura, teknolohiya, kultura at edukasyon.
Isinapubliko rin ng dalawang panig ang magkasanib na pahayag.
Salin: Ernest
Pulido: Rhio