Beijing - Upang ma-engganyo ang mga biyaherong Tsino na muling bumisita sa Pilipinas matapos ang pandemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19), lumalahok ngayon ang Department of Tourism - Beijing Office sa Ika-18 Beijing International Tourism Expo (BITE), na idinaraos mula Hunyo 16 hanggang 18, 2023 sa Agricultural Exhibition Center, distrito ng Chaoyang.
Mga Pilipinong estudyanteng mananayaw ng mga tradisyonal na sayaw ng Pilipinas
Samu't-saring presentasyong panturismo at tradisyonal na sayaw ng Pilipinas na gaya ng Cariñosa at Subli ang inihandog ng mga Pilipinong mananayaw sa mga manghang-manghang bisita sa ekspo.
Pagbibigay talumpati ni Dr. Erwin Balane, Tourism Councilor ng Pilipinas sa Beijing
Samantala, kanyang talumpati sa pagbubukas ng booth ng Pilipinas, sinabi Dr. Erwin Balane, Tourism Councilor ng Pilipinas sa Beijing at Hilagang-silangang Tsina, na ang BITE ang kauna-unahang kaganapang panturismo na inorganisa matapos ang pandemiya.
Aniya, nagpapasalamat ang Pilipinas sa ibinigay na oportunidad upang itanghal ang iba't-ibang alok na serbisyo at produktong panturismo ng bansa.
"Sa kaganapang ito, ipinagmamalaki naming ipakita't ibahagi sa mga kaibigang Tsino ang 7,641 mga isla ng Pilipinas na napaliligiran ng napakalinis at mala-kristal na asul na katubigan, pambihirang mga lugar sa pagsisid, mga tanawing perpekto para sa pagkuha ng larawan, at modernong kalunsuran," saad ni Balane.
Higit sa lahat, ang walang-katulad aniyang hospitalidad at mainit na pagtanggap ng mga Pilipino ay tiyak na magbibigay ng tunay at di-malilimutang karanasan sa sinumang bibisita sa bansa.
Matatandaang ang Tsina ang ikalawang pinakamalaking pinagmumulan ng turista ng Pilipinas bago manalasa ang COVID-19.
Hinggil dito, sinabi ni Balane, na bago magpandemiya, hindi lamang malaki ang bilang ng mga Tsinong nagpupunta sa Pilipinas upang magbakasyon, mag-aral, at magnegosyo, isa rin sila sa mga pinakagalanteng gumasta, kaya malaking tulong ang mga turistang Tsino sa ekonomiya ng Pilipinas.
Dahil sa muling pagbubukas ng Tsina at paglakas ng ekonomiya nito, nagsisimula na muling bumalik ang mga biyaherong Tsino sa Pilipinas, dagdag pa ni Balane.
Sa lalong madaling panahon, inaasahan niyang makakabalik ang Tsina sa ikalawang puwesto bilang pinakamalaking bansang pinagmumulan ng turista ng Pilipinas.
Mga Tsinong nais bumisita sa Pilipinas
Sa ilalim ng temang "Tourism connects the world, the world focalizes Beijing," nakabase ang Ika-18 BITE sa integrasyon ng eksibisyon at pagpupulong.
Layon nitong patingkarin ang pungsyon at halaga ng industriya ng eksibisyon, isulong ang mga destinasyong panturismo ng maraming bansa, galugarin ang pagpapa-unlad ng turismo at iba pang may kinalamang industriyang tulad ng kagamitan at produktong panturismo, pagkain, kultura, palakasan, libangan, pinansiya, at marami pang iba.
Mahigit 1,000 eksibitor; 6, 000 mamimili, 30,000 trade visitor; at 100,000 iba pang bisita ang inaasahang dadalo at lalahok sa nasabing ekspo.
Itinataguyod ng Beijing Municipal Bureau of Culture and Tourism at inoorganisa ng Beijing Relation Conference and Exhibition Services Co., Limited, ang BITE ay isang taunang kaganapang nagsimula noong 2004.
Artikulo: Rhio Zablan
Larawan at kapsyon: Ramil Santos