Inanunsyo Hunyo 23, 2023 ng Kagawaran ng Hustisya ng Amerika, na nasampahan na ng kaso ang mga sibilyan at kompanyang Tsinong kasangkot di-umano sa pagpoprodyus at pagbebenta ng mga kemikal na ginagamit sa paggawa ng drogang fentanyl.
Kaugnay nito, ipinahayag Hunyo 24 ng isang tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina (MOFA) na binitag lamang ng Amerika ang mga sibilyang Tsino sa isang bansa sa pamamagitan ng “sting operation,” at muli itong naglunsad ng akusasyon laban sa mga kompanya at sibilyang Tsino.
Ito aniya ay di-makatuwiran at iligal na uri ng pagdedetine at unilateral sangsyon.
Matindi aniyang kinokondena ng panig Tsino ang ganitong aksyon ng Amerika.
Nagharap na ng solemnang representasyon at matinding pagtutol ang Tsina sa usaping ito, dagdag niya.
Anang tagapagsalita, aktibong isinasagawa ng Tsina ang kooperasyong pandaigdig sa paglaban sa droga, at nauna nang ginawa ang mahigpit na pangangasiwa sa mga hilaw na materyal na may kinlaman sa drogang fentanyl.
Ito aniya ay gumanap ng mahalagang papel sa pagpigil sa iligal na pagpoprodyus at pagbebenta at labis na paggamit ng nasabing droga.
Hinihimok ng MOFA ang panig Amerikano na agarang itakwil ang sangsyon sa mga organong Tsino, itigil ang pag-aresto at pag-akusa sa mga kompanya at sibilyang Tsino sa pangangatuwirang sila ay may kinalaman sa drogang entanyl, at agarang palayain ang mga dinakip na sibilyang Tsino, saad ng tagapagsalita.
Salin: Ernest
Pulido: Rhio