Ministrong panlabas ng Tsina, nakipagtagpo sa mga ministrong panlabas ng Sri Lanka’t Biyetnam

2023-06-26 15:36:37  CMG
Share with:

Magkahiwalay na nakipagtagpo, Hunyo 26, 2023 sa Beijing si Qin Gang, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, kina Ali Sabry, Ministrong Panlabas ng Sri Lanka, at Bui Thanh Son, Ministrong Panlabas ng Biyetnam.

 

Sa kanyang pakikipagtagpo kay Sabry, sinabi ni Qin na dapat isakatuparan ng dalawang panig ang mga komong palagay ng lider ng dalawang bansa, pahigpitin ang pagpapalagayan sa mataas na antas, palalawakin ang pagpapalitan ng kultura at magkasamang pasulungin ang konstruksyon ng Belt and Road Initiative.

 

Sa abot ng makakaya, nakahanda aniya ang Tsina upang patuloy na ipagkaloob ang mga tulong sa pag-unlad ng kabuhayan at lipunan ng Sri Lanka.

 

Pinasalamatan naman ni Sabry ang mga tulong ng Tsina sa kanyang bansa.

 

Sinabi niyang patuloy na igigiit ng Sri Lanka ang prinsipyong isang-Tsina at winewelkam ang pamumuhunan ng mga bahay-kalakal Tsino sa kanyang bansa.

 

Sa kanyang pakikipagtagpo kay Bui Thanh Son, ipinahayag ni Qin na naniniwala siyang ang ginaganap na pagdalaw sa Tsina ni Punong Ministro Pham Minh Chinh ng Biyetnam ay ibayo pang magpapasigla sa komprehensibong estratehikong kooperasyon ng dalawang bansa.

 

Ani Qin, dapat pahigpitin ng dalawang bansa ang pag-uugnayan sa estratehiya, pabilisin ang pag-uugnay ng mga estratehiya sa pag-unlad, at pasulungin ang mas malaking progreso ng relasyon ng dalawang bansa.

 

Ipinahayag naman ni Bui na palagiang iginigiit ng Biyetnam ang prinsipyong isang-Tsina.

 

Saad niya, ito ang kauna-unahang pagdalaw ni Punong Ministro Pham Minh Chinh sa Tsina, kaya umaasa siyang sa pamamagitan nito, mabisang maisasakatuparan ang mga komong palagay na narating ng pangkalahatang kalihim ng Partido Komunista ng Tsina at Partido Komunista ng Biyetnam para matamo ang mas maraming bunga sa relasyon ng dalawang bansa.


Salin: Ernest

Pulido: Rhio