Isang resolusyon ang pinagtibay kamakailan ng espesyal na pulong ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization na komprehensibong magpapanumbalik sa katayuan ng Amerika bilang kasapi ng organisasyon ngayong Hulyo.
Kaugnay nito, ipinagdiinan ni Yang Jinqiang, pirmihang kinatawang Tsino sa UNESCO, na sa pagbabalik ng Amerika sa organisasyon, dapat itong mag-ambag sa pagpapalakas ng pagkakaisa at pagpapalalim ng kooperasyon ng UNESCO sa halip na magsulsol ng komprontasyon at paghihiwalay.
Dagdag niya, hinihiling ng panig Tsino sa panig Amerikano na totohanang ipatupad ang sariling obligasyon at pangako, magbayad ng sapat na membership dues sa nakatakdang panahon, at magbayad ng lahat ng overdue membership dues sa lalong madaling panahon.
Matatandaang dalawang beses nang kumalas ang Amerika sa UNESCO noong 1984 at 2018 na nakatawag ng malawakang pagbatikos mula sa komunidad ng daigdig.
Noong nakaraang Hunyo, isang liham ang ipinadala ng Amerika sa UNESCO, na nagpapahayag ng plano nitong bumalik bilang kasapi.
Salin: Lito
Pulido: Rhio