Paggalang sa isa’t-isa, mapayapang pakikipamuhayan, pagbubukas, inklusibidad, pagsasarili at pagkakaisa, dapat igiit – Tsina

2023-07-03 16:36:56  CMG
Share with:

Sa kanyang talumpati, Hulyo 3, 2023, sa seremonya ng pagbubukas ng 2023 International Forum for Trilateral Cooperation sa pagitan ng Tsina, Hapon at Timog Korea, binigyan-diin ni Wang Yi, Direktor ng Tanggapan ng Komisyon ng Ugnayang Panlabas ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC), na dapat igiit ng tatlong bansa ang paggalang sa isa’t-isa at mapayapang pakikipamuhayan, pagbubukas at inklusibidad, at pagsasarili at pagkakaisa.

 

Aniya, malaking benepisyo ang nakamit ng Tsina, Hapon at Timog Korea mula sa globalisasyong pangkabuhayan, at dahil dito, nagkaroon din ng mutuwal na kapakinabangan.

 

Malakas na pinapasulong ng Tsina ang mas mataas na lebel na pagbubukas sa labas, kaya naman masasamantala ng Hapon at Timog Korea ang pagkakataong dulot ng dekalidad na pag-unlad ng Tsina.

 

Tinukoy ni Wang na patuloy na igigiit ng Tsina ang indipendiyente at mapayapang diplomatikong patakaran, at ginagawa ang kapasiyahan ayon sa katotohanan.

 

Palagiang nagsisikap ang Tsina para sa mapayapang pakikipamuhayan kasama ng mga bansa sa rehiyong ito na kinabibilangan ng Hapon at Timog Korea, paliwang pa niya.

 

Ani Wang, iginagalang ng Tsina ang pagpapalakas ng Hapon at Timog Korea ng relasyon sa iba pang bansa sa daigdig, pero hindi ito dapat gamitin laban sa isang kapitbansa.

 

Ang 2023 International Forum for Trilateral Cooperation ay idinaos Hulyo 3, 2023, sa lunsod Qingdao ng lalawigang Shandong ng Tsina.

 

Salin:Sarah

Pulido:Rhio