Kuwento ng miyembro ng CPC: Misyon ni Yuan Longping at kooperasyong agrikultural ng Tsina at Pilipinas, ipinagpapatuloy ni Zhang Zhaodong

2023-07-04 15:41:30  CRI
Share with:

Sa pag-uusap nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Enero 4, 2023, napagkasunduan nilang ipagpatuloy at palalimin ang kooperasyon sa 4 na mahahalagang larangang kinabibilangan ng agrikultura, imprastruktura, enerhiya, at kultura upang maihatid ang mas maraming benepisyo sa mga mamamayan ng dalawang bansa.


Nitong ilang taong nakalipas, napakabilis sumulong ang kooperasyong agrikultural ng Tsina at Pilipinas.


Kaugnay nito, isang miyembro ng Partido Komunista ng Tsina (CPC) ang gumagawa ng malaking pagsisikap at kontribusyon hinggil sa hybrid na palay.

Noong Hunyo 12, 2019, si Zhao Zhaodong habang nasa taniman ng tropikal na hybrid na palay sa Laguna.

Si Zhang Zhaodong ay isinilang sa lunsod Yongzhou, lalawigang Hunan, sa gawing gitnang Tsina.


Ang lalawigang ito ay itinuturing na pinagmulan ng sibilisasyon ng pagtatanim ng palay ng Tsina.

Sina Yuan Longping (sa kaliwa) at Zhang Zhaodong (sa kanan)

Siya rin ay disipulo ng “Ama ng Hybrid Rice” at akademisyan ng Chinese Academy of Engineering na si Yuan Longping.


Noong Hunyo 1999, nilagdaan ng Tsina at Pilipinas ang kasunduan tungkol sa pagpapaunlad ng hybrid na palay, at bunga nito, komprehensibong nasimulan ang proyekto ng tropikal na hybrid na palay ng dalawang bansa.


Nang taon ding iyon, kasabay ng pagkahirang sa kanyang maestrong si Yuan Longping, nagpunta si Zhang Zhaodong sa Pilipinas para pag-aralan at palaganapin ang tropikal na hybrid na palay, bagay na nagpasimula sa planong iniharap ni Yuan sa pagpapa-unlad ng hybrid na palay upang mabenepisyunan ang mga mamamayan ng buong daigdig.


Ngunit hindi naging madali ang trabaho ni Zhang sa Pilipinas.


Dahil sa pagkakaiba ng kapaligiran at kalagayang pang-estado, maraming panganib at kahirapan ang kanyang dinanas sa kanyang mga unang taon sa bansa.


Magkagayunman, hindi naging hadlang ang mga ito sa kanyang pagpapalaganap at pagtatanim ng hybrid na palay.

Noong 2003, maringal na ipinagpuri nina Yuan Longping (gitna), Dr. Santiago R. Obien, Executive Director ng Philippine Rice Research Institute (kaliwa), at Zhao Zhaodong (kanan), ang matagumpay na pagtatanim ng tropikal na hybrid na palay sa Pilipinas.

Sa paglipas ng panahon at pagkakamit ng mga Pilipino ng parami nang paraming benepisyo, laganap na ngayon ang hybrid na palay sa Pilipinas.


Sa Timog Silangang Asya, si Zhang Zhaodong ay tinatawag ng mga eskperto sa hybrid na palay bilang “Anak ng Hybrid Rice.”


Sa panayam sa China News Service noong 2021, sinabi ni Zhang na malalim na impresyon ang iniwan sa kanya ng isang pestibal ng “mabuting anihan” sa Pilipinas.

Sa pestibal na ito, pinanood ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang pag-ani ng hybrid na palay at pinakinggan ang ulat ng mga magsasaka.


Sinabi ng isang may-ari ng bigasan kay Duterte na noong una, pangkaraniwang palay lamang ang tinatanim sa kanyang barangay, mababa ang kitang mula rito kaya halos mabangkarote ang kanyang negosyo.


Pero, nang mapaunlad ang pagtatanim ng hybrid na palay, at malawakang ma-ani ang ganitong uri ng bigas, nakahulagpos ang kanyang negosyo sa kahirapan at nagkaroon siya ng sapat na kita.


Ikinuwento naman ng isa pang magsasaka kay Duterte na makaraan niyang itanim ang hybrid na palay, hindi lamang niya nabayaran ang lahat ng utang at nakapagtayo ng sariling bahay, napagtapos din niya ang kanyang 3 anak sa unibersidad.


Ang mga ito aniya ay resulta ng pagtatanim ng hybrid na palay.


Maligayang pinakinggan ni dating Pangulong Duterte ang mga kuwento, at ipinasiya niyang palawakin ang saklaw ng pagtatanim ng hybrid na palay.


Hanggang sa ngayon, patuloy na pinalalaganap sa Pilipinas ang pagtatanim ng hybrid na palay, at ang bansa ay isa na ngayon sa mga may pinakamabilis umunlad na programa ng hybrid na palay bansa sa Timogsilangang Asya.


Hanggang katapusan ng 2021, 1.5 milyong ektarya ng pangkalahatang 5 milyong ektaryang sakahan ng Pilipinas ang tinataniman na ng tropikal na hybrid na palay.


Ayon sa pagtaya, lalampas sa 1.6 milyong ektarya ang saklaw na ito ngayong 2023.


Ang Pilipinas ay minsan nang naging pinakamalaking bansang tagpag-angkat ng pagkain.


Hinggil dito, sinabi ni Zhang na noong dumating siya sa Pilipinas, 70 milyon ang bilang ng populasyon sa bansa, pero sa ngayon, ang populasyon ay pumalo na sa 110 milyon.


Sa kabila nito, bumaba aniya sa 2 milyong tonelada mula 4 milyong tonelada ang pagkaing inaangkat ng bansa kada taon.


Napakahalaga ang papel na ginagampanan ng hybrid na palay, paliwanag ni Zhang.


Pagmamalaki pa ni Zhao, matatag ngayon ang presyo ng bigas at may sapat na pagkain ang mga Pilipino, at namumukod ang ambag dito ng hybrid na palay.


Lumampas na sa 8 bilyon ang populasyon sa buong mundo, at naniniwala si Zhang, na ang pagpapalaganap ng hybrid na palay sa buong daigdig ay magsisilbing mahalagang garantiya sa paghulagpos ng sangkatauhan sa krisis ng pagkain.

Noong 2021, iginawad ni William Dar, dating Kalihim ng Agrikultura ng Pilipinas kay Zhang Zhaodong ang pinakamataas na parangal ng Kagawaran ng Agrikultura ng Pilipinas.

Ayon sa sertipiko ng merito, “si Zhang Zhaodong ay tagapagsimula ng paggagalugad ng teknolohiya, pagpoprodyus, at komersyalisasyon ng hybrid na palay sa Pilipinas. Siya rin ay dakilang tulay ng pagkakaibigang di-pampamahalaan at tagapagpakita ng pagkakaibigang historikal ng Tsina at Pilipinas.”


Sa ngayon, sa edad 70 anyos, abala pa rin si Zhao sa sakahan ng Pilipinas.

Ang kanyang 2 anak na lalaki at 2 pamangkin ay kasama rin niya sa pagpapalaganap ng hybrid na palay sa Pilipinas at mga bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).


May 2 malaking pangarap ang maestro ni Zhao na si Yuan Longping: una, palaganapin sa buong mundo ang hybrid na palay; at ikalawa, magpahinga sa lilim ng sakahan ng palay.


Ninais niyang maging sintaas ng sorghum ang palay sa subok-sakahan, maging kasinghaba ng walis ang mga tangkay ng palay, at maging sinlaki ng mani ang mga butil nito.


Ayon kay Zhang Zhaodong, ipagpapatuloy at mamanahin niya ang diwa at iniwang pangarap ng kanyang maestro upang mas malaking mabenepisyuhan ang mga mamamayan ng buong mundo.


Ulat / Salin: Lito

Pulido: Rhio