Ginamit, Hunyo 30, 2023 ng Argentina ang Special Drawing Right (SDR) ng International Monetary Fund (IMF) para bayaran ang $US2.7 bilyong utang sa IMF sa paraan ng RMB settlement.
Ito ang kauna-unahang paggamit ng RMB para bayaran ang utang panlabas ng Argentina.
Bukod dito, pinagtibay ng Bangko Sentral ng bansa na maaring mag-impok at maglabas ng RMB, samantalang ang mga organisasyong pinansiyal naman ay maaaring gumawa ng savings account sa RMB.
Dahil dito, posibleng mabawasan ng mga bahay-kalakal ng Tsina at Argentina ang gastusin sa pagpapalitan ng pera at mapaliit ang hamon ng pagbabago ng exchange rate.
Ito’y makakabuti sa bilateral na kalakalan ng dalawang bansa.
Hindi lamang nito ipinakikita ang malusog na relasyon ng dalawang bansa sa kabuhayan at kalakalan, kundi dulot din ng nasabing kooperasyon ang aktuwal na benepisyo sa dalawang panig.
Sa pangmatagalang pananaw, ang pagpapalakas ng kooperasyong pinansiyal ng dalawang bansa ay magpapahupa ng epekto ng hegemonya ng US Dolyar sa Argentina.
At dahil sa hakbang ng Argentina, binabalak ng mga bansa sa Latin Amerika na gaya ng Venezuela, Brazil at Bolivia na gumamit na rin ng RMB para sa international settlement – bagay na nagpapakita ng pagnanais na maisakatuparan ang dibersidad pampinansiya at indipendiyenteng landas ng pag-unlad.
Salin: Ernest
Pulido: Rhio