Tsina sa Amerika at Britanya: itigil ang iligal na aksyong militar sa Syria

2023-07-06 15:15:40  CMG
Share with:

Ipinahayag sa pulong ng Ika-53 Sesyon ng United Nations Human Rights Council (UNHRC), Hulyo 5, 2023 ng isang kinatawang Tsino na maraming taon nang nananatili ang krisis sa Syria, at panahon na upang managot ang Amerika at Britanya sa malubhang kapinsalaan sa buhay at ari-arian na dulot ng mga aksyong militar ng dalawang nabanggit na bansa.

 

Hinihimok aniya ng panig Tsino ang Amerika at Britanya na itigil ang iligal na pagtatalaga ng tropa at aksyong militar sa Syria, at kanselahin ang unilateral na sangsyon sa bansa.

 

Saad ng kinatawang Tsino, nakabalik na ang Syria sa League of Arab States (LAS) matapos ang 12 taon.

 

Ipinakikita aniya nito ang komong kagustuhan ng mga mamamayan sa rehiyong Gitnang Silangan na itakwil ang camp confrontation, pahupain ang tensyonadong kalagayang lokal, at hanapin ang magkakasamang pag-unlad, dagdag niya.

 

Anang tagapagsalita, hanga ang panig Tsino sa walang humpay na pagsisikap ng LAS at mga bansa sa rehiyon para makamtan ang naturang mga layunin.

 

Nakahanda rin aniya ang Tsina na bigyang-ambag para rito.

 

Ipinagdiinan din ng kinatawang Tsino na ang kapayapaan at katatagan ay pinakamalaking garantiya sa karapatang pantao, at ang tanging paraan upang malutas ang isyu ng Syria ay pulitikal na kalutasan.


Salin: Ernest

Pulido: Rhio