Pangulong Tsino, nakipagtagpo sa PM ng Solomon Islands

2023-07-11 01:16:07  CMG
Share with:

Nakipagtagpo Hulyo 10, 2023, sa Beijing, si Pangulong Xi Jinping ng Tsina, kay Manasseh Sogavare, Punong Ministro ng Solomon Islands, na opisyal na dumadalaw sa Tsina.

 

Sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Manasseh Sogavare, Punong Ministro ng Solomon Islands (Photo from Xinhua)


Magkasamang inanunsyo ng dalawang panig ang opisyal na pagtatag ng komprehensibong estratehikong partnership na may mutuwal na paggalang at komong pag-unlad para sa bagong panahon.

 

Tinukoy ni Xi na sapul nang itinatag ang relasyong diplomatiko ng dalawang bansa, ang pangkaibigang kooperasyon ng Tsina at Solomon Islands ay naging modelo ng pagkakaisa, pagtutulungan at magkasamang pag-unlad ng malaki at maliit na bansa.

 

Binigyan-diin ni Xi na nakahanda ang Tsina na palawakin ang aktuwal na pakikipagkooperasyon sa Solomon Islands sa iba’t ibang larangan at dagdagan ang pag-aangkat ng mga produkto ng bansang ito.

 

Susuportahan aniya ng Tsina ang mas maraming kumpanyang Tsino na nais pumunta sa Solomon Islands upang mamuhunan, at patuloy na ipagkakaloob ang tulong pangkabuhayan at pangteknolohiya na walang anumang kondisyong pulitikal. Palalawakin ng dalawang panig ang pangkaibigang pagpapalitan sa kalusugan, edukasyon at iba pang larangan, dagdag niya.

 

Tinukoy din ni Xi na ang patakarang Tsino sa mga bansang isla sa Pasipiko ay “apat na ganap na paggalang.” Ibig sabihin, una, ganap na igalang ang soberanya at pagsasarili ng mga bansang ito at itaguyod ang pagkakapantay-pantay ng lahat ng bansa, malaki man o maliit.

 

Ikalawa, ganap na igalang ang mithiin ng mga bansa, at igiit ang patakaran ng magkakasamang konsultasyon, magkakasamang kontribusyon, ibinabahaging benepisyo, at win-win na resulta.

 

Ikatlo, ganap na igalang ang kultura at tradisyon ng mga bansa, at igiit ang harmonya sa dibersidad at ibinabahaginang kagandahan ng magkakaibang kultura.

 

Ikaapat, ganap na igalang ang pagkakaisa at pag-asa sa sarili ng mga bansa at suportahan ang pagpapatupad nila ng “2050 Strategy for the Blue Pacific Continent.”

 

Samantala, ipinahayag ni Manasseh Sogavare na ang pagtatag ng relasyong diplomatiko ng Solomon Islands at Tsina ay tamang pagpili na ginawa ng kanyang bansa.

 

Ang Tsina aniya ay naging pinakamalaking partner ng Solomon Islands sa konstruksyon ng imprastruktura, at mapagtitiwalaang partner na pangkaunlaran.

 

Sinabi ni Sogavare, na buong tatag na nananangan ang Solomon Islands sa patakarang isang Tsina. Nakahanda aniya ang bansa na pahigpitin ang pagpapalitan ng dalawang panig sa mataas na antas, palakasin ang pagpapalitan at pagtutulungan sa kalakalan, pamumuhunan, kultura, at iba pang larangan, at magkasamang harapin ang mga pandaigdigang hamong tulad ng pagbabago ng klima.

 

Tinututulan ng Solomon Islands ang anumang aksyon ng paglaban at pagtigil ng pag-unlad ng Tsina, diin niya.

 

Pagkatapos ng pagtatagpo, ipinalabas ng dalawang panig ang “Joint Statement on Establishing a Comprehensive Strategic Partnership Featuring Mutual Respect and Common Development for a New Era Between the People's Republic of China And Solomon Islands.”

 

Salin:Sarah

Pulido:Ramil