Sa pagtatagpo, Hulyo 12, 2023 sa Jakarta ng Indonesya nina Wang Yi, Direkor ng Tanggapan ng Central Commission for Foreign Affairs ng Tsina; Sergei Lavrov, Ministrong Panlabas ng Rusya; at Retno Marsudi, Ministrong Panlabas ng Indonesya, sinabi ni Wang na ang pagpapalitan at pagtutulungan ay angkop sa komong kapakanan ng tatlong bansa, at ito’y nakakatulong sa pagsusulong ng katatagan, multilateralismo, at kapayapang panrehiyon.
Bilang kadiyalogong partner ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), kinakatigan aniya ng Tsina ang estruktura ng kooperasyong panrehiyon na may nukleong ASEAN, at pagpapabilis ng konstruksyon ng Komunidad ng ASEAN.
Ayon naman kina Lavrov at Marsudi, ipinakikita ng ganitong trilateral na pagtagpo ang komong palagay hinggil sa pangangalaga sa nukleong katayuan ng ASEAN at landas ng ASEAN.
Sumang-ayon din silang panatilihin ang pag-uugnayan hinggil dito.
Maliban diyan, tinalakay rin ng tatlong opisyal ang hinggil sa seguridad ng pagkaing-butil at enerhiya.
Hinggil dito, nagkaisa silang pabutihin ang pangangasiwang pandaigdig, at igarantiya ang kaayusan ng kadena ng suplay at seguridad ng pagkaing-butil ng mga umuunlad na bansa.
Salin: Ernest
Pulido: Rhio