Sa paanyaya ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina, magsasagawa si Pangulong Abdelmajid Tebboune ng Algeria ng dalaw-pang-estado sa Tsina mula Hulyo 17 hanggang 21, 2023.
Ipinahayag Huwebes, Hulyo 13, 2023 ni Wang Wenbin, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na sa kanyang pananatili sa Tsina, mag-uusap sina Xi at Tebboune para itakda ang blueprint ng pag-unlad ng relasyon ng Tsina at Algeria sa hinaharap, at talakayin ang mga isyung panrehiyon at pandaigdig na kapwa nila pinahahalagahan.
Tinukoy ni Wang na nitong ilang taong nakalipas, komprehensibo at malalimang umunlad ang relasyon ng dalawang bansa at mabunga ang aktuwal na kooperasyon ng dalawang bansa sa balangkas ng Belt and Road Initiative.
Saad ni Wang na umaasa ang panig Tsino na sa pamamagitan ng pagdalaw ni Tebboune, mapapalalim ng dalawang bansa ang pagtitiwalaan, kooperasyon at pagkakaibigan para pasulungin ang komprehensibong estratehikong partnership ng dalawang bansa, pangalagaan ang katatagan at seguridad ng rehiyong Gitnang Silangan, at palalimin ang pagkakaisa at kooperasyon ng mga umuunlad na bansa.
Salin: Ernest
Pulido: Ramil