3 positibong senyales ng serye ng pulong ng mga ministrong panlabas ng ASEAN

2023-07-16 15:32:17  CMG
Share with:

Idinaos kamakailan sa Jakarta, Indonesia ang serye ng mga pulong ng mga ministrong panlabas ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na dinaluhan ni Wang Yi, Direktor ng Tanggapan ng Komisyon ng mga Suliraning Panlabas ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC).


Kumpara sa mga nagdaang taon, inilabas sa nasabing serye ng mga pulong ang mas maraming positibong senyales.


Una, mas mapayapa ang atmospera ng mga pulong.


Mapagkaibigan ang atmospera ng pulong ng mga ministrong panlabas ng Tsina at ASEAN na nagtampok sa pragmatikong kooperasyon.


Hinahangaan ng iba’t-ibang bansa ang serye ng mahalagang inisyatibang pandaigdig na iniharap ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina. Ipinagdiinan ng mga kalahok na ministrong panlabas na may napakahigpit na kaugnayan ang kasaganaan ng ASEAN sa pag-unlad ng Tsina, at inihayag nila ang kahandaang magkakasamang itayo ang de-kalidad na “Belt and Road.”


Sa pulong ng mga ministrong panlabas ng ASEAN at Tsina, Hapon at Timog Korea (10+3), binigyan ng iba’t-ibang panig ng kahalagahan ang sub-regional cooperation, bagay na nakapagpasigla sa pagpapanumbalik ng kooperasyon ng Tsina, Hapon at Timog Korea.


Ikalawa, mas marami ang mga natamong bunga.


Pinagtibay sa pulong ang “Magkakasanib na Pahayag Tungkol sa Paggunita sa Ika-20 Anibersaryo ng Pagsapi ng Tsina sa Treaty of Amity and Cooperation in Southeast Asia (TAC).”


Makaraang sumapi ang Tsina sa kasunduang ito, magkakasunod ding sumapi rito ang mga iba pang malalaking bansa. Hanggang sa ngayon, may 51 kasaping bansa ang TAC.


Ikatlo, mas pragmatiko ang mga aktibidad sa nasabing serye ng pulong.


Mahigit sampung bilateral na pagtatagpo ang idinaos ng delegasyong Tsino.


Ang pagtatagpo ng mga delegasyong Tsino at Amerikano ay nakatawag ng malaking pansin. Kapuwa ipinalalagay ng dalawang panig na matapat, pragmatiko, at konstruktibo ang kanilang pag-uusap.


Palagiang inaasahan ng mga bansang ASEAN ang pagkakaroon ng Tsina at Amerika ng mas maraming ugnayan.


Samantala, inilabas din ng mga pag-uusap sa pagitan ng Tsina at Hapon, Tsina at Timog Korea, Tsina at India, at Tsina at Europa, ang mga positibong senyales, at mabuti ang atmospera.


Ipinahayag ng iba’t-ibang bansa ang kanilang kahandaang palakasin ang diyalogo at palalimin ang kooperasyon sa Tsina.


Salin: Lito

Pulido: Ramil