Xi Jinping at dating Pangulo Rodrigo “Digong” Duterte, nagtagpo

2023-07-18 10:57:01  CMG
Share with:

 

Nagtagpo kahapon ng hapon, Hulyo 17, 2023 sa Beijing sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at dating Pangulo Rodrigo “Digong” Roa Duterte ng Pilipinas.

 

Tinukoy ni Xi na noong panahon ng panunungkulan bilang pangulo ng Pilipinas, isinagawa ni Duterte ang estratehikong pagpili sa pagpapabuti ng relasyon sa Tsina, at ito ay nagbigay ng mahalagang ambag para sa pag-unlad ng relasyong Sino-Pilipino.

 

Saad ni Xi na palagiang iginigiit ng Tsina ang patakaran ng mapayapa at mapagkaibigang pakikipamuhayan sa mga kapitbansa at kasama ng Pilipinas, nakahanda ang panig Tsino na pasulungin ang matatag at pangmatagalang pag-unlad ng relasyon ng dalawang bansa.

 

Umaasa aniya siyang patuloy na gaganap si Duterte ng mahalagang papel para sa mapagkaibigang kooperasyon ng dalawang bansa.

 

Pinasalamatan naman ni “Digong” ang mahalagang pagkatig ng Tsina sa pag-unlad ng kabuhayan at lipunan ng Pilipinas, lalo na sa larangan ng pagpuksa sa pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

 

Sinabi niyang ang pagpapasulong ng mapagkaibigang relasyon ng Pilipinas at Tsina ay angkop sa kapakanan ng mga mamamayan ng dalawang bansa at ito rin ay hangarin ng halos lahat ng mga mamamayang Pilipinas.

 

Aniya pa, nakahanda siyang patuloy na gumanap ng papel para sa pagpapasulong ng mapagkaibigang relasyon ng dalawang bansa.


Salin: Ernest

Pulido: Ramil