Nag-usap kahapon ng hapon, Hulyo 18, 2023 sa Beijing sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Abdelmadjid Tebboune ng Algeria na nagsasagawa ng dalaw-pang-estado sa Tsina.
Sinabi ni Xi na ang taong 2023 ay ika-65 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng dalawang bansa at kasama ng Algeria, nakahanda ang Tsina na pasulungin ang kanilang tradisyonal na pagkakaibigan at komprehensibong estratehikong partnership.
Pinasalamatan ni Xi ang matatag na pagkatig ng Algeria sa panig Tsino hinggil sa mga isyung may kinalaman sa Taiwan, Xinjiang at karapatang pantao.
Sinabi pa niyang, matatag na kinakatigan ng Tsina ang pangangalaga ng Algeria sa pagsasarili ng estado at kabuuan ng teritoryo at soberanya, sinusuportahan ang pagpili ng landas ng pag-unlad na angkop sa sariling kalagayan at tinututulan ang pakikialam ng mga dayuhang puwersa sa suliraning panloob ng Algeria.
Saad ni Xi na dapat palalimin ng dalawang bansa ang kooperasyon sa mga tradisyonal na larangang gaya ng imprastraktura, petrolyo, pagmimina at agrikultura, palawakin ang kooperasyon sa mga hi-tech na larangan.
Nakahanda ang Tsina na patuloy na katigan ang pag-unlad ng kabuhayan at lipunan ng Algeria, dagdag ni Xi.
Bukod dito, bumati si Xi sa panunungkulan ng Algeria bilang non-permanent members ng United Nations Security Council (UNSC) mula taong 2024 hanggang 2025.
Sinabi ni Xi na kasama ng Algeria, nakahanda ang Tsina na pahigpitin ang pagkokoordinahan at pagtutulungan sa mga multilateral na plataporma na gaya ng UN para pangalagaan ang pandaigdigang katarungan at pagkakapantay-pantay at komong kapakanan ng mga umuunlad na bansa.
Ipinahayag naman ni Tebboune na ang Tsina ay pinakamahalagang kaibigan ng Algeria.
Pinasalamatan niya ang mga tulong ng Tsina sa kanyang bansa noong unang panahon.
Sinabi niyang mainit na tinatanggap ng Algeria ang pamumuhunan at pagtatakbo ng mga kompanyang Tsino at paglalakbay ng mga turistang Tsino sa bansang ito.
Saad pa niyang kasama ng Tsina, nakahanda ang kanyang bansa na pahigpitin ang aktuwal na kooperasyon sa iba’t ibang larangan, at pagkokoordinahan sa mga suliraning panrehiyon at pandaigdig.
Pagkatapos ng pag-uusap, magkasamang sinaksihan nila ang paglalagda sa mga dokumento ng kooperasyon.
Isinapubliko rin nila ang magkasanib na pahayag ng Tsina at Algeria.
Salin: Ernest
Pulido: Ramil