Ayon sa pahayag kahapon, Hulyo 20, 2023 ng Ministry of Ecology and Environment ng Tsina, idinaos kamakailan sa Beijing ang diyalogo sa pagitan ng Tsina at Amerika hinggil sa pagharap sa pagbabago ng klima.
Mula Hulyo 16 hanggang 19, bumisita sa Tsina si John Kerry, Espesyal na Sugo ng pangulong Amerikano sa isyu ng klima at nakipag-usap kay Xie Zhenhua, Espesyal na Sugo ng Tsina sa isyu ng pagbabago ng klima.
Nagpalitan sila ng palagay hinggil sa pagsasakatuparan ng komong palagay ng pangulo ng dalawang bansa na narating sa kanilang pagkatagpo sa Bali Island, Indonesia, at magkasamang pagharap sa pagbabago ng klima.
Kapwa nilang ipinalalagay na ang pagbabago ng klima ay komong hamon na kinakaharap ng buong daigdig at mahalaga ang katuturan ng kooperasyon ng dalawang bansa sa pagharap sa hamong ito.
Bukod dito, inilahad nila ang kani-kanilang hakbangin, patakaran at progreso ng aksyon sa usaping ito.
Sinang-ayunan din nilang ipagpatuloy at panatilihin ang mahigpit na pag-uugnayan.
Salin: Ernest
Pulido: Ramil