Sa kanyang pangungulo sa isang pulong ng Central Commission for Financial and Economic Affairs Huwebes, Hulyo 20, 2023, ipinagdiinan ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina na dapat mabisang palakasin ang proteksyon at pataasin ang kalidad ng mga bukirin, upang mapalawak ang espasyo para sa produksyong agrikultural.
Anang pulong, sapul nang idaos ang ika-18 Pambansang Kongreso ng Partido Komunista ng Tsina (CPC), isinagawa ng Komite Sentral ng CPC ang isang serye ng mga hakbangin para panatilihin sa 120 milyong ektarya na red line pataas ang saklaw ng bukirin, at pigilan ang tunguhin ng tuluy-tuloy na pagbaba ng kabuuang saklaw ng bukirin.
Hinimok sa pulong na dapat puspusang pataasin ang kalidad at baguhin ang mga bukirin, lalong lalo na, ang mga permanenteng saligang bukirin, bilang matabang lupa na umangkop sa pagtatanim at may matatag at masaganang ani kahit may baha o tagtuyot.
Dapat buong sikap na palakasin ang pananaliksik na pansiyensiya’t panteknolohiya, pag-ibayuhin ang pamumuhunan sa produksyon, at hanapin ang mga mabisang modelo ng pag-unlad, upang lampasan ang natural na restriksyon ng kakaunting tradisyonal na bukirin ng Tsina, diin ng pulong.
Salin: Vera
Pulido: Ramil