Addis Ababa — Sa kanyang pakikipagtagpo Hulyo 21 (lokal na oras), 2023 kay Wang Yi, Kagawad ng Pulitburo ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC), at Direktor ng Tanggapan ng Central Commission for Foreign Affairs ng Tsina, lubos na pinapurihan ni Punong Ministro Abiy Ahmed Ali ng Ethiopia, ang natamong napakalaking tagumpay ng Tsina sa pagtahak ng landas ng sosyalismong may katangiang Tsino.
Hinahangaan niya ang buong tatag na pagtahak ng Tsina sa landas ng pag-unlad na angkop sa sariling kalagayang pang-estado, bagay na nakapagbibigay ng modelo sa mga umuunlad na bansa.
Pinasalamatan niya ang mga ibinibigay na tulong at suporta ng Tsina sa Ethiopia sa pagkahulagpos sa mga kahirapan.
Nakahanda aniya ang Ethiopia na pag-aralan ang ideya at karanasan ng Tsina sa pag-unlad upang mapasulong ang berde at sustenableng pag-unlad ng bansa.
Dagdag pa niya, iginigiit ng Ethiopia ang prinsipyong isang-Tsina, at kinakatigan ang mga posisyon ng panig Tsino sa mga suliraning pandaigdig.
Nakahanda ang Ethiopia na magsikap kasama ng Tsina upang mapalalim ang kanilang kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan sa iba’t-ibang larangan at ibayo pang mapasulong ang relasyon ng dalawang bansa, diin niya.
Ipinahayag naman ni Wang na bilang komprehensibo’t estratehikong katuwang ng isa’t-isa, may komong hangarin ang Tsina at Ethiopia.
Lubos aniyang pinahahalagahan ng Tsina ang tradisyonal na pagkakaibigan sa Ethiopia, at matatag na sinusuportahan ang rekonstruksyon at pag-ahon ng kabuhayan ng Ethiopia.
Diin pa niya, nakahanda ang Tsina na magsikap kasama ng mga bansang Aprikano na kinabibilangan ng Ethiopia, upang mapalakas ang kanilang kooperasyon sa mga larangang tulad ng kalakalan at pamumuhunan, berdeng pag-unlad, digital economy, at kalusugan.
Salin: Lito