Ipinahayag kahapon, Hulyo 26, 2023 ni Geng Shuang, Pangalawang Pirmihang Kinatawan ng Tsina sa UN, na sinusuportahan ng Tsina ang pagsisikap ni Antonio Guterres, Pangkalahatang Kalihim ng UN, para panumbalikin ang pagluluwas ng pagkaing-butil at pataba ng Ukraine at Rusya sa lalong madaling panahon.
Sinabi ni Geng na ang Black Sea Grain Initiative at memorandum of understanding hinggil sa pagluluwas ng pagkaing-butil at pataba ng Rusya ay mahalaga para sa pagpapatatag ng presyo ng pagkaing-butil sa buong daigdig, pangangalaga sa seguridad ng pagkaing-butil ng daigdig, at lalong lalo na ng pagpapabuti ng pagsuplay ng pagkaing-butil sa mga “vulnerable countries”.
Saad ni Geng na sa kasalukuyan, nananatili pa rin ang pagkakataon para panumbalikin ang naturang mga kasunduan, at dapat pasulungin ng komunidad ng daigdig ang diyalogo at pagsasanggunian sa pagitan ng mga kasangkot na panig, lutasin ang kanilang mga pagkabahala, para panumbalikin ang pagluluwas sa lalong madaling panahon.
Sinabi ni Geng na nanawagan ang panig Tsino sa Rusya at Ukraine na itakwil ang ideya ng komprontasyong militar, at panatilihin ang pagtitimpi para maiwasan ang pagkawala ng pagkontrol sa kalagayan.
Salin: Ernest
Pulido: Ramil