Kaugnay ng dalawang pahayag na inilabas Lunes, Hulyo 31, 2023 ng Ministri ng Komersyo, Pangkalahatang Administrasyon ng Adwana, Pambansang Administrasyon ng Siyensiya, Teknolohiya at Industriya ng Tanggulang Bansa, at Equipment Development Department ng Central Military Commission, para isagawa ang pagkontrol sa pagluluwas ng mga unmanned aerial vehicle (UAV), ipinahayag ngayong araw ng tagapagsalita ng Ministri ng Komersyo na ang mga high performance drones ay maaring gagamitin para sa layuning militar, kaya ang pagkontrol sa pagluluwas ng UAV ay alinsunod sa regulasyong pandaigdig.
Sinabi ng tagapagsalita na bilang pangunahing bansang nagpoprodyus at nagluluwas ng mga UAV, ang pagpapahigpit ng pagkontrol sa pagluluwas ng mga UAV ay hindi nakatugon sa anumang espesyal na bansa at rehiyon.
Saad pa niyang palagiang tinututulan ng pamahalaang Tsino ang paggamit ng UAV para sa layuning militar at matatag na sinusuportahan ang pagsasagawa ng mga bahay-kalakal ng Tsina sa pandaigdigang kooperasyon at kalakalan hinggil sa paggamit ng UAV para sa layuning pansibilyan.
Ipinaliwanag ng Tagapagsalita na ang pagkontrol sa pagluluwas ng UAV ay hindi katumbas ng pagbawal ng pagluluwas.
Aniya pa, kung gagamitin ang UAV para sa mga lehitimong layuning pansibilyan at makapasa sa mga may kinalamang proseso, maaring mailuwas ang mga UAV.
Ang mga patakaran ng dalawang pahayag ay pormal na paiiralin sa Setyembre 1 at nauna rito, ipinaalam ng Tsina sa mga may kinalamang bansa at rehiyon ang kalagayang ito.
Salin: Ernest
Pulido: Ramil