Mga dokumento sa kooperasyon ng BRI, nilagdaan ng Tsina at Georgia

2023-08-01 15:40:03  CMG
Share with:

 

Great Hall of the People, Beijing - Nakipagtagpo Lunes, Hulyo 31, 2023 si Premyer Li Qiang ng Tsina kay Punong Ministro Irakli Garibashvili ng Georgia na kalahok sa seremonya ng pagbubukas ng ika-31 FISU World University Games.

 

Saad ni Li, ang pagtatagpo nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Garibashvili ay nakapagbigay ng direksyon para sa pag-unlad ng relasyong Sino-Georgian sa makabagong panahon.

 

Tinukoy niyang dapat gawing pokus ng kapuwa panig ang kooperasyon ng Belt and Road, palakasin ang kooperasyon sa mga larangang gaya ng cross-border e-commerce, imprastruktura, espesyal na sonang ekonomiko, at parkeng industriya, palawakin ang kooperasyon sa mga bagong sibol na larangang gaya ng digital economy at berdeng enerhiya, at pahigpitin ang pagpapalitang tao-sa-tao sa kultura, turismo at lokalidad.

 

Saad naman ni Garibashvili, lubos na pinahahalagahan ng kanyang bansa ang pagkakaibigan sa Tsina, at nagkokonsentra sa pagpapalakas ng kooperasyon sa Tsina.

 

Aniya, iginigiit ng Georgia ang simulaing isang Tsina, at sinusuportahan ang Belt and Road Initiative, Global Development Initiative, Global Security Initiative at Global Civilization Initiative.

 

Nakahanda aniya ang panig Georgian na palalimin ang kooperasyon sa mga larangang gaya ng imprastruktura, kabuhaya’t kalakalan, turismo at iba pa.

 

Sa ilalim ng saksi nina Li at Garibashvili, lumagda ang magkabilang panig sa mga dokumento ng bilateral na kooperasyon sa mga aspektong kinabibilangan ng Belt and Road, digital economy, Intellectual Property Rights (IPR), auditing, edukasyon at iba pa.


Salin: Vera

Pulido: Ramil