Sa kanyang pakikipag-usap sa telepono Agosto 4, 2023 kay Ministrong Panlabas Bilawal Bhutto Zardari ng Pakistan, ipinahayag ni Wang Yi, Kagawad ng Pulitburo ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC) at Ministrong Panlabas ng bansa, na tulad ng dati, susuportahan ng panig Tsino ang panig Pakistani sa pagtatanggol ng soberanya ng bansa, pagsasarili ng nasyon, at kabuuan ng teritoryo, at buong tatag na kakatigan ang Pakistan sa pangangalaga sa pagkakaisa at katatagan, pagsasakatuparan ng pag-ahon, at pagpapatingkad ng mas malaki’t positibong papel nito sa mga suliraning panrehiyon at pandaigdig.
Ani Wang, nakahanda ang panig Tsino na magsikap kasama ng panig Pakistani upang mapasulong ang pagtatamo ng mas maraming pragmatikong bunga ng konstruksyon ng China-Pakistan Economic Corridor (CPEC) at tulungan ang Pakistan sa pagtatamo ng sustenableng pag-unlad.
Ipinahayag naman ni Bilawal ang pasasalamat sa ibinibigay na suporta ng Tsina sa kanyang bansa.
Nakahanda aniya ang panig Pakistani na magsikap kasama ng panig Tsino para mapasulong ang pag-u-upgrade ng konstruksyon ng CPEC at ibayo pang mapalalim ang pagkakaibigan ng dalawang bansa.
Salin: Lito