Tsina, handa na pasulungin pa ang relasyon sa UAE

2023-08-05 14:31:34  CMG
Share with:

Sa kanyang pakikipag-usap sa telepono Agosto 4, 2023 kay Ministrong Panlabas Sheikh Abdullah bin Zayed Al Nahyan ng United Arab Emirates (UAE), ipinahayag ni Wang Yi, Kagawad ng Pulitburo ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC) at Ministrong Panlabas ng bansa, na ang UAE ay mahalagang estratehikong partner ng Tsina sa rehiyong Gitnang Silangan. Patuloy aniyang kakatigan ng Tsina ang UAE sa pagtahak ng landas ng nagsasariling pag-unlad, matatag na susuportahan ang isa’t-isa sa mga isyung may kaugnayan sa kanilang sariling nukleong kapakanan, magkasamang tututulan ang panghihimasok ng mga dayuhang puwersa, at pangangalagaan ang soberanya, seguridad, at kapakanan ng pag-unlad.


Ani Wang, nakahanda ang Tsina na magsikap kasama ng UAE upang mapalalim ang pag-uugnayan ng kanilang estratehiya ng pag-unlad, mapalakas ang pamumuhunan sa isa’t-isa, at magkasamang mapasulong pa ang relasyon ng Tsina at UAE.


Dapat samantalahin ng dalawang panig ang pagkakataon ng ika-40 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko sa susunod na taon para ibayo pang mapalalim ang tradisyonal na pagkakaibigan ng dalawang bansa, saad ni Wang.


Dagdag pa niya, nakahanda ang Tsina na palakasin kasama ng UAE ang estratehikong pagtutulungan sa arenang pandaigdig para magkasamang igiit ang tunay na multilateralismo, tutulan ang unilateralismo at hegemonya, pangalagaan ang pundamental na norma ng relasyong pandaigdig, at ipagtanggol ang pagkakapantay-pantay at katarungang pandaigdig.


Ipinahayag naman ni Sheikh Abdullah na ang Tsina ay hindi lamang ekonomikong katuwang ng UAE, kundi maging komprehensibo’t estratehikong katuwang nito.


Nakahanda aniya ang UAE na magsikap kasama ng Tsina upang ibayo pang mapasulong ang relasyon ng dalawang bansa, at pagtatamo ng mas maraming bungang pangkooperasyon sa mga bilateral at multilateral na suliranin.


Salin: Lito