Tsina, hinimok ang Amerika na igalang ang karapatang pandagat nito

2023-08-08 11:15:41  CMG
Share with:

Sa isang pahayag na inilabas kamakailan ng Kagawaran ng Estado ng Amerika, sinabi nito na lumalabag sa pandaigdigang batas ang paghadlang at pagpaputok ng water cannon sa bapor ng Pilipinas na nagsagawa ng resupply mission sa grounded warship nito sa Ren’ai Jiao.


Anito, ang kilos ng panig Tsino ay mapanganib sa kapayapaan at katatagan ng rehiyon, at nanawagan sa panig Tsino na sundin ang 2016 South China Sea Arbitration Ruling.


Dagdag pa nito, kinakatigan ng panig Amerikano ang “lehitimong aksyong pandagat” ng panig Pilipino.


Kaugnay nito, ipinahayag Agosto 7, 2023 ng tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na palagiang bahagi ng Nansha Islands ng Tsina ang Ren’ai Jiao.


Sinabi niya na maraming beses na ipinangako ng panig Pilipino na alisin ang pandigmaang bapor nito, ngunit hanggang sa ngayon, hindi pa nito ipinapatupad ang pangakong ito.


Aniya, sa kabila ng paulit-ulit na panghihimok at pagbabala ng panig Tsino, ipinadala Agosto 5 ng Pilipinas ang 2 bapor na lantarang pumasok sa karagatan ng Ren’ai Jiao na naglalayong ihatid ang materiyal ng konstruksyon sa malawakang pagkukumpuni at pagpapatibay ng ilegal na grounded military vessel.


Anang tagapagsalitang Tsino, ang nasabing nagawa ng panig Pilipino ay lumalapastangan sa soberanya ng panig Tsino, at lumalabag sa Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea (DOC).


Bilang tugon, hinadlangan aniya ng China Coast Guard (CCG) ang nasabing bapor ng Pilipino alinsunod sa batas at isinagawa ang angkop na hakbangin ng pagpapatupad ng batas. Kumilos ang CCG sa propesyonal at mahinahong paraan, dagdag niya.


Sinabi niya na binabalewala ng panig Amerikano ang katotohanan at ipinalabas ang pahayag sa pag-atake sa makatwiran at lehitimong pagpapatupad ng batas ng Tsina sa dagat. Buong tindi itong tinututulan ng panig Tsino, saad niya.


Aniya pa, ang 2016 South China Sea Arbitration ay lumalabag sa pandaigdigang batas na kinabibilangan ng “United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).” Ilegal at walang bisa ito, anang tagapagsalitang Tsino.


Hinihimok ng panig Tsino ang panig Amerikano na itigil ang paglilikha ng kaguluhan sa paggamit ng isyu ng South China Sea, aktuwal na igalang ang soberanya ng teritoryo, karapatan at kapakanang pandagat ng panig Tsino sa karagatang ito, at igalang ang ginagawang pagsisikap ng mga bansa sa rehiyong ito upang mapangalagaan ang kapayapaan at katatagan sa South China Sea.


Salin: Lito

Pulido: Ramil