Inihayag, Agosto 16, 2023 ni Wang Wenbin, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina (MOFA), na palaging sumusunod ang kanyang bansa sa "no first use" na pakataran sa sandatang nuklear.
Diin niya, ang mga sandatang nuklear ng Tsina ay para sa prebensyon ng digmaang nuklear at hindi para sa paghahasik ng hegemonya.
Mula Hulyo 31 hangggang Agosto 11, idinaos sa Vienna, Austria ang unang sesyon ng Preparatoryong Komite ng Ika-11 Review Conference of the Parties to the Treaty on the Non-Proliferation of Nuclear Weapons (NPT).
Kaugnay nito, sinabi ni Wang na ang NPT ay pundasyon ng pandaigdigang sistema ng disarmamentong nuklear at di-pagpapalaganap ng sandatang nuklear.
Palagian at matatag na kinakatigan ng Tsina ang layon at target ng NPT, dagdag pa niya.
Sa panahon ng nabanggit na pulong, aktibo aniyang pinasulong ng Tsina ang pagganap ng mahalagang papel ng NPT, at kasabay nito, matatag na pinangalagaan ang sariling lehitimong karapatan at kapakanan sa seguridad at pag-unlad.
Salin: Ernest
Pulido: Rhio