Idinaos kahapon, Agosto 20, 2023 sa Johannesburg, Timog Aprika ang seremonya ng pagsasapubliko ng ikalawang season ng Classics Quoted by Xi Jinping na ini-prodyus ng China Media Group (CMG).
Kasabay nito, sinimulan ding isahimpapawid ang programa sa 62 media ng 38 bansa sa Aprika.
Laman nito ang mga impormasyong may kinalaman sa mga sinaunang klasikong Tsino na sinipi ni Pangulong Xi Jinping sa kanyang mga talumpati, artikulo at diskurso.
Sa kanyang nakasulat na talumpati, ipinahayag ni Paul Mashatile, Pangalawang Pangulo ng Timog Aprika, ang pagbati sa pagsasahimpapawid ng Classics Quoted by Xi Jinping (Season 2) sa Aprika.
Sinabi niyang sa pamamagitan ng media, maaring pasulungin ng Tsina at Aprika ang pag-unlad ng lipunan at pangangasiwa sa mga suliranin ng bansa.
Ayon naman kay Shen Haixiong, Presidente ng CMG, naniniwala siyang sa pamamagitan ng nasabing programa, malalaman ng mga mamamayan ng Aprika ang ideya ni Xi hinggil sa pangangasiwa sa mga pambansang suliranin at mauunawaan ang kagandahan ng kulturang Tsino.
Nakahanda aniya ang CMG na pahigpitin, kasama ng mga media ng Aprika, ang pagpapalitan at pagtutulungan.
Ang Classics Quoted by Xi Jinping (Season 2) ay naisalin na sa mga wikang Ingles, Pranses, Arabe, Hausa at Swahili para sa pagsasahimpapawid.
Mahigit 200 kataong kinabibilangan ng matataas na opisyal ng Timog Aprika, diplomata ng Tsina sa Timog Arpika, at mga namamahalang tauhan ng mga media ng Tsina at Aprika ang dumalo sa nabanggit na seremonya.
Salin: Ernest
Pulido: Rhio