Sa kanilang pag-uusap Agosto 22, 2023 sa Pretoria ng Timog Aprika, sinang-ayunan nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at kanyang South African counterpart na si Cyril Ramaphosa na magkasamang pasulungin ang komprehensibong estratehikong partnership ng dalawang bansa sa bagong antas at itatag ang de-kalidad na komunidad ng dalawang bansa na may pinagbabahaginang kinabukasan.
Kaugnay nito, ipinahayag ni Xi na dapat palalimin ng dalawang bansa ang estratehikong pagtitiwalaan, pasulungin ang komong pag-unlad, pahigpitin ang pagpapalitang tao-sa-tao at magkasamang pangalagaan ang katarungang pandaigdig.
Bukod dito, idiniin ni Xi na matatag na kinakatigan ng Tsina ang nagsasariling pag-unlad ng mga bansang Aprikano, pagsapi ng Unyong Aprikano sa G20, at proseso ng pagsasaindustriya at modernisasyon ng agrikultura ng Aprika.
Ipinahayag naman ni Cyril Ramaphosa na sapul nang itatag ang relasyong diplomatiko ng dalawang bansa, matatag na iginigiit ng Timog Aprika ang prinsipyong isang-Tsina at mabunga ang kooperasyon ng dalawang bansa sa iba’t ibang larangan.
Kasama ng panig Tsino, nakahanda ang kanyang bansa na pahigpitin ang pagpapalitan sa larangang ng pagpawi ng kahirapan, palawakin ang kooperasyon sa kalakalan, pamumuhunan, enerhiya, imprastruktura, pagmamanupaktura, siyensiya at teknolohiya, ani Ramaphosa.
Bukod dito, sinabi ni Ramaphosa na nakahanda ang Timog Aprika na pangalagaan, kasama ng mga bansa ng BRICS, ang multilateralismo, pasulungin ang reporma sa sistema ng pandaigdigang pangangasiwa, at pangalagaan ang komong kapakanan ng mga umuunlad na bansa.
Pagkatapos ng pag-uusap, ginawaran ni Ramaphosa ng Order of South Africa si Xi Jinping. Ang Order of South Africa ay kataas-taasang karangalan na ibinibigay ng Timog Aprika sa mga lider ng ibang bansa.
Magkasama nilang sinaksihan ang paglalagda sa mga dokumentong pangkooperasyon ng dalawang bansa sa mga larangang kinabibilangan ng Belt and Road Initiative, bagong enerhiya, produktong agrikultura, at iba pa.
Ipinalabas din nila ang magkasanib na pahayag ng dalawang bansa.
Salin: Ernest
Pulido: Ramil