Pagkatapos ng kanilang pag-uusap, Agosto 22, 2023 sa Pretoria, magkasamang nakipagtagpo sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Cyril Ramaphosa ng Timog Aprika sa mga mamamahayag.
Ipinahayag ni Xi na kapwa ipinalalagay nilang ang Tsina at Timog Aprika ay dapat maging magkaibigang may malalimang estratehikong pagtitiwalaan, magkasamang umuunlad, nagkakaunawaan ang mga mamamayan sa isa’t isa at magkasamang nangangalaga sa katarungang pandaigdig.
Tinukoy ni Xi na ang gaganaping BRICS Summit ay may mahalagang katuturan para sa pagpapahigpit ng pagkakaisa at kooperasyon ng mga bansang BRICS at pasulungin ang pag-unlad ng mekanismo ng kooperasyon ng BRICS.
Saad pa ni Xi na hinahangaan ng panig Tsino ang mga mabisang gawain ng Timog Aprika para sa pagdaraos ng BRICS Summit.
Ipinahayag naman ni Ramaphosa na pinasalamatan ng kanyang bansa at mga mamamayan ang pagtulong ng pamahalaan at mga mamamayang Tsino sa paglaban ng Timog Aprika sa segregasyon at pag-unlad ng bansa.
Saad niya na buong magkakaisa ang dalawang pangulo na ibayo pang palawakin ang kooperasyon sa kalakalan, pamumuhunan, imprastruktura, turismo, edukasyon, digital economy at mga mahalagang isyung panrehiyon at pandaigdig.
Umaasa aniya siyang magkasamang magsisikap ang mga bansang BRICS para palakasin ang impluwensiya ng BRICS sa pandaigdigang pangangasiwa at pasulungin ang pagtatatag ng mas makatwiran at makatarungang sistemang pandaigdig.
Salin: Ernest
Pulido: Ramil