Idinaos kahapon, Agosto 23, 2023 sa Johannesburg, Timog Aprika ang Ika-15 BRICS Summit na nilahukan ng mga lider ng Brazil, Russia, India, China at South Africa (BRICS).
Sa kanyang talumpating pinamagatang “Seeking Development Through Solidarity and Cooperation and Shouldering Our Responsibility for Peace,” inihayag ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina, na bilang tugon sa kasalukuyang masalimuot na kalagayang pandaigdig, ang mga bansang BRICS ay mahalagang puwersa sa pagpapatatag ng kaayusan ng mundo.
Ang mga bansang BRICS ay mayroon aniyang malawak na komong palagay at target, at hindi magbabago ang mga komong hangarin at layon ng kooperasyon ng BRICS, kahit ano man ang kalagayang pandaigdig.
Diin ni Xi, dapat pahigpitin ng mga bansang BRICS ang kooperasyon sa iba’t-ibang larangan, pasulungin ang dekalidad na partnership, at pasulungin ang mas makatarungan at makatuwiran pag-unlad ng pangangasiwang pandaigdig para mapangalagaan ang katatagan at kaunlaran.
Kasama ng mga bansang BRICS, nakahandang palakasin ng Tsina ang estratehikong partnership, palalimin ang kooperasyon sa iba’t-ibang larangan, at responsableng harapin ang mga hamon para magkakasamang makalikha ng mas magandang kinabukasan, saad ng pangulong Tsino.
Samantala, tinalakay ng mga kalahok na lider na gaya nina Xi, Pangulong Cyril Ramaphosa ng Timog Aprika, Pangulong Luiz Lula da Silva ng Brazil, Pangulong Vladimir Putin ng Rusya at Punong Ministro Narendra Modi ng India, ang hinggil sa mga kooperasyon sa ilalim na balangkas ng BRICS, at iba pang mahalagang isyung panrehiyon at pandaigdig.
Narating nila ang malawak na komong palagay hinggil sa mga ito.
Salin: Ernest
Pulido: Rhio