Estratehiko at kooperatibong partnership sa bagong antas, isusulong ng Tsina at Bangladesh

2023-08-24 15:23:05  CMG
Share with:

Sa pagtatagpo, Agosto 23, 2023 sa Johannesburg, Timog Aprika nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Punong Ministro Sheikh Hasina ng Bangladesh, sinabi ng una na kasama ng Bangladesh, handang palakasin ng Tsina ang pag-uugnay ng estratehiya ng pag-unlad ng dalawang bansa, palalimin ang aktuwal na kooperasyon sa iba’t-ibang larangan, at pasulungin ang estratehikong kooperatibong partnership sa bagong antas, upang magdulot ng mas maraming benepisyo sa mga mamamayan ng Tsina at Bangladesh.

 

Diin ni Xi, kinakatigan niya ang pangangalaga ng pambansang soberanya, pagsasarili at kabuuan ng teritoryo, katatagan at pagkakaisa, at pagsasakatuparan ng kaunlaran ng Bangladesh.

 

Nais aniya ng Tsina na pahigpitin ang pagkokoordinahan at pagtutulungan sa mga multilateral na suliranin para pangalagaan ang pandaigdigang pagkakapantay-pantay at katarungan, at komong kapakanan ng mga umuunlad na bansa.

 

Nagpasalamat naman si Punong Ministro Hasina sa mahalagang tulong ng Tsina sa pag-unlad ng kabuhayan ng kanyang bansa at paglaban sa pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

 

Sinabi niyang ang magkasamang konstruksyon ng Belt and Road Initiative (BRI) ay nagdulot ng bagong pagkakataon para sa pag-unlad ng Bangladesh.

 

Saad pa niya, matatag na iginigiit ng Bangladesh ang prinsipyong isang-Tsina, at hinahangaan ang mahalagang papel ng panig Tsino sa pagpapasulong ng rehiyonal na katatagan at kapayapaan.

 

Kasama ng Tsina, nakahanda ang Bangladesh na palalimin ang bilateral na relasyon at pahigpitin ang kooperasyon sa mga multilateral na mekanismo na gaya ng BRICS, aniya.


Salin: Ernest

Pulido: Rhio