Tsina, nanawagan sa komunidad ng daigdig na magkasamang itigil ang pagtapon ng Hapon ng nuclear waste water sa dagat

2023-08-26 12:47:34  CMG
Share with:

Nanawagan kahapon, Agosto 25, 2023 si Geng Shuang, Pangalawang Pirmihang Kinatawang Tsino sa United Nations (UN), sa komunidad ng daigdig na magkasamang himukin ang Pamahalaang Hapones na agarang itigil ang pagtapon ng nuclear-contaminated water sa dagat, at hawakan ito sa responsableng paraan para maiwasan ang malubhang kapinsalaan at pagkasira ng kapaligirang pandagat ng buong mundo, at kalusugan ng mga mamamayan ng iba’t ibang bansa.


Sa pulong ng Pangkalahatang Asembleya ng UN hinggil sa isyu ng pagtatapon ng Fukushima nuclear-contaminated water sa dagat, tinukoy ni Geng na ang dagat ay komong ari-arian ng buong sangkatauhan.


Sinabi pa niyang ang paghawak sa nuclear-contaminated water ay isang malubhang isyung may kinalaman, hindi lamang sa Hapon, kundi sa ibang mga bansa.


Ang kapasiyahan at aksyon ng Hapon ay nagbulag-bulagan sa kapakanang pampubliko at naglilipat ng hamon ng polusyong nuklear sa komunidad ng daigdig, kaya iresponsable ito, dagdag pa ni Geng.


Bukod dito, sinabi ni Geng na hanggang sa kasalukuyan, ang pamahalaang Hapones ay walang kakahayang patunayan ang long-term reliability ng mga pasilidad sa paglilinis ng nuclear waste water, pagiging tunay at katumpakan ng datos ng nuclear-contaminated water, at pagiging kumpleto at mabisa ang plano ng pagsusuperbisa sa pagtatapon ng tubig.


Salin: Ernest

Pulido: Ramil