Iba't-ibang isyu, tinalakay ng mga ministro ng komersyo ng Tsina’t Amerika

2023-08-29 16:47:30  CMG
Share with:

Sa pag-uusap, Agosto 28, 2023 sa Beijing nina Wang Wentao, Ministro ng Komersyo ng Tsina, at Gina Raimondo, dumadalaw na Kalihim ng Komersyo ng Amerika, ipinahayag ni Wang ang pangamba ng kanyang bansa sa “Section 301 Tariff Exclusions sa mga Panindang Inaangkat ng Amerika mula sa Tsina,” patakaran ng Amerika sa semiconductor, restriksyon sa two-way na pamumuhunan, diskriminasyon sa subsidya, sangsyon sa mga kompanyang Tsino at iba pa.



Ani Wang, ang heneralisasyon ng konsepto ng pambansang seguridad ay hindi mabuti sa normal na pagpapalitang pangkabuhayan at pangkalakalan,  ang pagsasagawa ng unilateral na patakaran ng proteksyonismo ay hindi angkop sa regulasyon ng merkado at prinsipyo ng pantay na kompetisyon, at nakakapinsala sa kaligtasan at katatagan ng industrial chain at supply chain ng buong mundo.


Madalas aniyang ipinapahayag ng Amerika na hindi nito nais ang decoupling sa Tsina.


Hinggil dito, umaasa ang Tsina na aktuwal na ipapatupad ng Amerika ang nasabing pananalita, saad ng opisyal Tsino.


Samantala, nagkaisa ang kapuwa panig sa kahalagahan ng pagsasagawa ng bukas na diyalogo sa larangang pangkabuhayan at pangkalakalan, at ipinatalastas ang pagtatayo ng bagong tsanel ng komunikasyon sa pagitan ng Ministri ng Komersyo ng Tsina at Kagawaran ng Komersyo ng Amerika.


Sinimulan pa ng dalawang panig ang sistema ng pagpapalitan ng impormasyon hinggil sa pagkontrol sa pagluluwas.


Ito ay inaasahang magpapaliwanag at magpapabuti sa koordinasyon ng Tsina at Amerika.


Kaugnay nito, magpapalitan din ng impormasyon ang dalawang panig hinggil sa pagkontrol ng pagluluwas sa isa’t-isa alisunod ng batas.


Sumang-ayon din ang dalawang panig na isagawa ang pangsasanggunian hinggil pagpapasulong ng administrative licensing.


Salin:Sarah

Pulido:Rhio