Sa katatapos na pagdalaw ni Gina Raimondo, Kalihim ng Komersyo ng Amerika, sa Tsina mula Agosto 27 hanggang 30, ipinatalastas ng Tsina at Amerika na itatatag ang bagong tsanel ng pag-uugnayan sa pagitan ng Ministri ng Komersyo ng dalawang bansa.
Kaugnay nito, ipinahayag ni Shu Jueting, Tagapagsalita ng Ministri ng Komersyo ng Tsina, na ang nabanggit na tsanel ay mahalagang plataporma ng dalawang panig sa pagsasagawa ng sistematiko at regular na pagtalakay hinggil sa mga isyu ng kabuhayan at kalakalan.
Ito rin aniya ay mahalagang hakbangin upang mapatatag ang relasyong pangkabuhayan at pangkalakalan ng dalawang bansa at likhain ang magandang kapaligiran ng kooperasyon ng sektor ng komersyo at industriya ng dalawang bansa.
Inilahad ni Shu na kamakailan, inilabas ng pamahalaang Tsino ang mga patakaran para mapabuti ang kapaligiran ng dayuhang pamumuhunan.
Kaya, ibayo pang magbubukas ang Tsina sa labas at patuloy na tatanggap sa pamumuhunan ng mga bahay-kalakal ng iba’t ibang bansa na kinabibilangan ng Amerika.
Salin: Ernest
Pulido: Ramil