Gawain ng ICRC, lubos na pinapurihan ng pangulong Tsino

2023-09-06 10:34:23  CMG
Share with:

Beijing — Sa kanyang pakikipagtagpo Setyembre 5, 2023 kay Mirjana Spoljaric Egger, Presidente ng International Committee of the Red Cross (ICRC), lubos na pinapurihan ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang mga isinasagawang gawain ng ICRC sa aspekto ng international humanitarianism nitong 160 taong nakalipas sapul nang maitatag ito.


Hinahangaan din niya ang mga ibinibigay na mahalagang ambag ng ICRC para sa kapayapaan at kaunlarang pandaigdig.


Tinukoy ng pangulong Tsino na sa kasalukuyang kalagayang pandaigdig, pinapalakas ng Tsina ang pakikipagkooperasyon sa iba’t-ibang bansa sa daigdig upang mapasulong ang pagtatatag ng komunidad na may pinagbabahaginang kapalaran ng buong sangkatauhan at magkakasamang hanapin ang kalutasan sa mga kinakaharap na hamon.


Nakahanda ang panig Tsino na palalimin ang pakikipagkooperasyon sa ICRC para makapagbigay ng mahalagang ambag sa pagpapasulong ng usapin ng kapayapaan at kaunlaran ng sangkatauhan, dagdag niya.


Ipinahayag naman ni Spoljaric ang kanyang pagbati sa Tsina sa pagiging bansang may pinakamaraming bilang ng nakakuha ng ika-49 na Florence Nightingale Award.


Ito aniya ay nagpapakita ng mataas na papuri ng ICRC at komunidad ng daigdig sa natamong progreso ng makataong usapin ng Tsina.


Binigyan niya ng lubos na papuri ang ginagawang positibong papel at mahalagang ambag ng Tsina sa pandaigdigang usaping makatao.


Salin: Lito

Pulido: Ramil