Prinsesa ng Sulu, nasa Tsina: himlayan ng Pilipinong hari sa Dezhou, dinalaw

2023-09-13 17:09:23  CMG
Share with:

Kaugnay ng pagdiriwang ngayong taon ng Ika-606 na Anibersaryo ng Pagdalaw sa Tsina ni Paduka Batara, Hari ng Silangang Kaharian ng Sulu, binisita ngayong araw, Setyembre 13, 2023 ni Princess Jacel Kiram ng Sultanato ng Sulu ang musoleo at huling hantungan ng yumaong hari sa distrito ng Decheng, lunsod Dezhou, lalawigang Shandong, sa dakong silangan ng Tsina.

 

Princess Jacel Kiram (ikatlo mula sa kaliwa) kasama ang mga salinlahi ni Paduka Batara sa Tsina


Princess Jacel Kiram (sa gitna) kasama ang mga salinlahi ni Paduka Batara sa Tsina at kanyang delegasyon mula sa Pilipinas


Sa kanyang pahayag matapos ang maikling seremonya, sinabi ni Princess Jacel, na ang buhay ni Paduka Batara ay testamento ng mayaman at dibersipikadong kasaysayan ng mga Pilipino.


Sa ilalim ng kanyang pamumuno, nagkaroon aniya ng kultural na pag-unlad at prosperidad ang Sulu.


Karakteristiko ng kanyang pamamahala ang pagkamatalino, diplomasya, at kasaganaan, at dahil dito nagkaroon ng pag-unlad ang kanyang mga nasasakupan, dagdag ng prinsesa.


Sa pagdiriwang ngayong taon ng nasabing makasaysayang okasyon, sinabi ni Princess Jacel, na kailangang tandaan ang mga iniwang aral ni Paduka Batara, tulad ng aral sa pamumuno, pagkakaisa, at di-nagmamaliw na pagpapalakas ng kultural na pagkaunawa.


Samantala, sa kanyang pakikipag-usap sa mga inapo ni Paduka Batara at mga lokal na lider ng distrito ng Decheng, ipinahayag ni Princess Jacel ang marubdob na pasasalamat.


"Nais kong ipaabot ang taos-pusong pasasalamat sa pamahalaang Tsino, partikular, sa lokal na pamahalaan ng Dezhou sa patuloy na pangangalaga sa musoleo ni Paduka Batara, at kanyang mga salinlahi sa Tsina," aniya.


Anang prinsesa, ang nasabing mga salinlahi ay mga maningning na simbolo at malakas na bigkis ng pagkakaibigan at pagiging magkapamilya ng mga Pilipino at Tsino - pagkakaibigan at pagiging magkapamilyang inumpisahan nina Paduka Batara at Emperador Yongle, mahigit 600 taon na ang nakakalipas.


"Nais kong magkaroon ng panibagong 600 taon pa ng patuloy na pagkakaibigan ang mga Pilipino at Tsino, simula sa ating henerasyon," saad pa niya.


Sa kabilang dako, sinabi ng mga kinatawan ng pamilyang An at Wen, mga salinlahi ni Paduka Batara sa Tsina, ang pasasalamat sa pagbisita ng prinsesa ng Sulu.

Ikinuwento rin nila sa prinsesa kung paano sila sinusuportahan at kinakalinga ng pamahalaan ng Dezhou.


Anila pa, dahil sa tulong ng pamahalaan ng Dezhou, ang musoleo ni Paduka Batara ay isa na ngayong pambansang protektadong lugar, na nagsisilbing di-matitibag na muhon ng bigkis sa pagitan ng mga mamamayang Tsino at Pilipino.

 

Pasukan papunta sa musoleo ni Paduka Batara


Inihayag din nila ang pagnanais na dadalas pa ang pagbisita ni Princess Jacel sa kanilang lugar.


Sinabi naman ng prinsesa, na ang Dezhou ay kanyang ikalawang tahanan, at sa sandaling magkaroon muli siya ng pagkakataon, siguradong bibisita ulit siya.


 

Imperyal na pangmarkang ipinagawa ng emperador Yong Le para sa musoleo no Paduka Batara

 

Maliban sa pagdalaw sa musoleo, binisita rin ng prinsesa ang isang lokal na pagawaan ng porselana, lokal na parke, ASEAN Research Center ng Dezhou University, high speed train, sentro ng Tradisyunal na Medisinang Tsino (TCM), at iba pa.


Si Paduka Batara ay ang hari ng Silangang Kaharian ng Sulu noong mga unang taon ng 1400s.


Bumiyahe siya sa Beijing kasama ang kanyang reyna, mga anak at enturahe noong 1417 upang makipagkalakalan at dalawin ang matalik na kaibigan, ang emperador ng Dinastiyang Ming, si Zhu Di, na kilala rin bilang Emperador Yong Le.


Sa kasamaang-palad, habang papauwi sa Sulu, nagkasakit at namatay si Paduka Batara.


Nang malaman ito ng Emperador Yong Le, lubha siyang nalungkot, at bilang pagpupugay, ipinag-utos niya ang pagtatayo ng isang enggrandeng musoleo na nararapat sa isang prinsipeng Tsino sa lunsod Dezhou, lalawigang Shandong, upang doon ihimlay ang mga labi ng kaibigan.


Dalawang anak na lalaki at ilang matatapat na sundalo ni Paduka Batara ang nagpa-iwan upang magsilbing bantay sa musoleo.


Doon na sila nanahan at nagtayo ng pamilya kasama ang mga lokal na residente.


Hanggang ngayon, ang kanilang mga salinlahi ang nangangasiwa sa puntod.


Ito ay isa sa mga makasaysayang pangyayaring nagbibigkis sa mga Pilipino at Tsino bilang magkapatid at magkapamilya.

 

 

May akda: Rhio Zablan

Larawan: Ramil Santos at Ernest Wang

Patnugot sa teksto: Jade

Patnugot sa website: Sarah