Setyembre 13, 2023, Beijing – Sa pag-uusap, nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Nicolás Maduro Moros ng Venezuela, ipinatalastas nila ang pagpapataas sa relasyon ng dalawang bansa sa antas ng “all-weather strategic partnership.”
Tinukoy ni Xi na ang kapasiyahang ito ay angkop sa komong hangarin ng mga mamamayan ng dalawang bansa.
Dapat aniyang pasulungin ang estratehikong kooperasyon ng Tsina’t Venezuela para sa benepisyo ng mga Tsino’t Venezuelano, at magbigay ng mas malaking ambag para sa kapayapaan at kaunlaran ng daigdig.
Kasama ng Venezuela, palalakasin ng Tsina ang pagpapalitang pangkultura’t pang-media, at palalawakin ang pag-aangkat ng mga magagadang produkto mula sa Venezuela, dagdag ni Xi.
Saad pa niya, kailangan ding isulong ng dalawang bansa ang pagkokoordinahan sa mga multilateral na mekanismo, at pagkakaisa’t pagtutulungan kasama ang mga umuunlad na bansa para pangalagaan ang prinsipyo at layunin ng Karta ng UN at komong kapakanan ng mga umuunlad na bansa.
Ipinahayag naman ni Pangulong Maduro na mabunga ang kooperasyon ng Venezuela at Tsina, at ang relasyon ng dalawang bansa ay modelo ng relasyon ng mga “south countries” ng buong daigdig.
Sa ngalan ng mga mamamayang Venezuelano, pinasalamatan niya ang tulong ng Tsina.
Aniya, nakahanda ang kanyang bansa na pag-aralan ang karanasan ng Tsina sa pagtatatag ng espesyal na sonang pangkabuhayan, at palalimin ang kooperasyon sa mga larangang gaya ng agrikultura, pamumuhunan, edukasyon at turismo.
Aktibo aniyang kinakatigan ng Venezuela ang magkasamang konstruksyon ng Belt and Road Initiative (BRI), at iba pang mungkahi ni Pangulong Xi na gaya ng Global Development Initiative (GDI), Global Security Initiative (GSI), at Global Civilization Initiative (GCI).
Kaugnay ng relasyon ng Tsina at Latin-Amerika, sinabi ni Xi na mahalaga ang relasyong ito, at kasama ng mga bansa sa Latin Amerika, pasusulungin ng Tsina ang pangkalahatang kooperasyon.
Ipinahayag naman ni Maduro na gaganap ng mas malaking papel ang Venezuela para patatagin ang relasyon ng Community of Latin American and Caribbean States (CELAC) at Tsina.
Matapos ang pag-uusap, magkasamag sinaksikan nina Xi at Maduro ang paglagda sa mga dokumento ng kooperasyon sa kabuhayan, kalakalan, edukasyon, turismo, siyensiya, kalusugan, kalawakan at abiyasyon.
Ipinatalastas din nila ang magkasamang pahayag ng Tsina at Venezuela hinggil sa pagtatatag ng all-weather strategic partnership.
Salin: Ernest
Pulido: Rhio