Nanning, punong lunsod ng Rehiyong Awtonomo ng Lahing Zhuang ng Guangxi, Tsina — Sa kanyang talumpati Setyembre 17, 2023 sa seremonya ng pagbubukas ng Ika-20 China-ASEAN Expo (CAExpo) at Ika-20 China-ASEAN Business and Investment Summit (CABIS), ipinahayag ni Premyer Li Qiang ng Tsina na ang relasyong Sino-ASEAN ay nagsisilbing pinakamatagumpay at pinakamasiglang modelo sa kooperasyong Asya-Pasipiko.
Kaugnay ng kung paanong mapapasulong pa ang relasyong ito, iniharap ng premyer Tsino ang 4 na mungkahi: una, ibayo pang palalimin ang pagpapalagayan ng damdamin ng mga mamamayan ng Tsina at mga bansang ASEAN; ikalawa, ibayo pang patibayin ang pundasyon ng pagtitiwalaang Sino-ASEAN; ikatlo, ibayo pang palakasin ang ugnayang pangkapakanan ng kapuwa panig; ika-apat, ibayo pang palawakin ang pagbubukas sa isa’t-isa.
Dumalo sa nasabing seremonya ng pagbubukas sina Punong Ministro Hun Manet ng Cambodia, Punong Ministro Sonexay Siphandone ng Laos, Punong Ministro Anwar Ibrahim ng Malaysia, Punong Ministro Pham Minh Chinh, Pangalawang Pangulong Ma'ruf Amin, Pangalawang Punong Ministro Phumtham Wechayachai ng Thailand, Pangkalahatang Kalihim Kao Kim Hourn ng ASEAN, at mga 1,200 kinatawan mula sa sirkulong industriyal at komersyal ng Tsina at mga bansang ASEAN.
Salin: Lito