Sa pagtatagpo, Setyembre 18, 2023 sa Moscow nina Wang Yi, Kagawad ng Pulitburo ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC) at Ministrong Panlabas ng Tsina, at Sergei Lavrov, Ministrong Panlabas ng Rusya, ipinahayag ng panig Tsino, na ang kooperasyon ng dalawang bansa ay hindi nakatuon sa anumang ikatlong panig, at hindi rin nito apektado ang ikatlong panig.
Ani Wang, bilang tugon sa hamon ng unilateral na aksyon, hegemonismo at bloc confrontation, dapat pahigpitin ng Tsina at Rusya ang estratehikong kooperasyon, igiit ang tunay na multilateralismo, pasulungin ang proseso ng multipolarisadong daigdig at pag-unlad ng pangangasiwang pandaigdig, tungo sa mas pantay at makatuwirang direksyon.
Ipinahayag naman ni Lavrov na kasama ng Tsina, nakahanda ang Rusya na ayusin ang pagpapalagayan ng dalawang bansa sa mataas na antas sa susunod na yugto, at palalimin ang kooperasyon sa kabuhayan at kalakalan, kultura, palakasan, at kabataan.
Samantala, bilang tugon sa pagbabago ng kalagayang pandaigdig, sinabi niyang dapat ibayo pang pahigpitin ng dalawang bansa ang pagkokoordinahan at pagtutulungan sa ilalim ng mga multilateral na balangkas na gaya ng United Nations, Shanghai Cooperation Organization, at iba pa, para magkasamang pangalagaan ang pundamental na prinsipyo ng relasyong pandaigdig.
Inilahad din ni Lavrov ang paninindigang Ruso sa krisis ng Ukraine at hinangaan niya ang dokumento ng Tsina sa pulitikal na paglutas sa krisis na ito.
Napapaloob sa dokumento ng Tsina ang pagkabahala ng iba’t-ibang panig sa seguridad, at ito’y nakakabuti sa pagpawi ng ugatan ng nasabing krisis, saad niya.
Patuloy aniyang bubuksan ng Rusya ang diyalogo at talastasan hinggil sa nasabing usapin.
Sa kabilang dako, ipinahayag ni Wang na palagiang iginigiit ng Tsina ang talastasang pangkapayapaan at patuloy na pagpapatingkad ng konstruktibong papel para sa pulitikal na kalutasan ng krisis ng Rusya at Ukraine.
Tinalakay din ng dalawang lider ang mga isyung panrehiyon at pandaigdig at kinoordina ang kanilang paninindigan hinggil dito.
Salin: Ernest
Pulido: Rhio