Op-ed: Mekanismong tulad ng “G77 plus China” at BRI, nagpapasigla sa kooperasyong Sino-Pilipino

2023-09-20 16:24:35  CMG
Share with:

Ipininid kamakailan sa Havana, Cuba ang 2 araw na Summit ng Group of 77 (G77) plus China.

Pinagtibay rito ang “Havana Declaration” na nananawagan para sa komprehensibong pagrereporma ng pandaigdigang estrukturang pinansyal at pagtatayo ng mas inklusibo at koordinadong kayarian ng kabuhayang pandaigdig.


Sa kanyang talumpati sa summit, ipinahayag ni Li Xi, Pirmihang Kagawad ng Pulitburo ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC) at espesyal na kinatawan ni Pangulong Xi Jinping, na patuloy ang paglakas ng puwersa ng mga umuunlad na bansa sa kasalukuyang daigdig.


Ngunit, may mga bansa aniyang malawakang nagsasagawa ng unilateral na sangsyon at nagsusulong ng pagkakawatak-watak, bagay na grabeng nakakapinsala sa lehitimong kapakanan at espasyong pangkaunlaran ng mga umuunlad na bansa.


Sinabi ni Li na dapat igiit ng G77 at Tsina ang orihinal na aspirasyon para sa pagsasarili at kolektibong paglakas sa pamamagitan ng pagkakaisa, isulong ang komong ideya ng halaga ng buong sangkatauhan, at itulak ang paraan ng paglutas sa mga alitan at hidwaan sa pagitan ng mga bansa sa mapayapang paraan upang magkakasamang maproteksyunan ang kapayapaan at katahimikan ng daigdig.


Diin pa niya, ang Tsina ay pinakamalaking umuunlad na bansa sa daigdig, at kasama ng malawak na masa ng mga umuunlad na bansa, isinusulong nito ang pagtatayo ng komunidad na may pinagbabahaginang kapalaran.

Ang G77 ay isang pandaigdigang organisasyon sa pagitan ng mga pamahalaan na naitatag noong 1964.


Sa ngayon, mayroon na itong 134 na kasapi, na kinabibilangan ng Pilipinas.


Layon nitong palakasin ang pagkakaisa at pagtutulungan para mapabilis ang pag-unlad ng kabuhayan at lipunan ng mga umuunlad na bansa.


Bagama’t di miyembro ng G77 ang Tsina, palagian nitong sinusuportahan ang paninindigan at makatuwirang kahilingan ng organisasyon, at may mainam na relasyon ang Tsina sa G77.


Sapul noong dekada nobenta, aktibong isinasagawa ng Tsina ang pakikipagkoordina at pakikipagkooperasyon sa G77.

Kaugnay nito, isinagawa noong Enero ng kasalukuyang taon, ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang dalaw-pang-estado sa Tsina.


Nagtagpo sila ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina, at inilabas ng kapuwa panig ang magkasanib na pahayag.


Si Marcos Jr. ay ang unang dayuhang pangulong tinganggap ng Tsina sa taong kasalukuyan.


Ito rin ang unang pagdalaw ni Marcos Jr. sa Tsina bilang pangulo, at kanyang unang opisyal na pagdalaw sa isang bansang di-miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).


Ang pagdalaw na ito ay nagpapakita ng lubos na pagpapahalaga ng dalawang bansa sa kanilang bilateral na relasyon.


Dahil sa nasabing pagdalaw, nilagdaan ng Tsina at Pilipinas ang Memorandum of Understanding tungkol sa magkasamang pagtatayo ng “Belt and Road,” at ipinangako ang patuloy na pagpapalalim ng kooperasyon sa 4 na mahalagang larangang kinabibilangan ng enerhiya, pagpapalitan ng tao-tao, imprastruktura, at agrikultura.


Sa kasalukuyan, ang Tsina ang pinakamalaking katuwang na pangkalakalan, ika-3 pinakamalaking merkado ng pagluluwas, at pinakamalaking pinanggagalingan ng pag-aangkat ng Pilipinas.


Noong isang taon, lumampas sa 87.7 bilyong USD ang kabuuang halaga ng pag-aangkat at pagluluwas sa pagitan ng Tsina at Pilipinas.


Ang Pilipinas sa ngayon ang pinakamalaking bansang pinag-aangkatan ng mga saging at pinya ng Tsina.


Kasabay nito, nakuha ngayong taon ng durian ng Pilipinas ang permisyon upang makapasok sa merkadong Tsino.


Ayon sa Kagawaran ng Agrikultura ng Pilipinas, pinaplano ng bansa na iluwas ang di-kukulangin sa 54 na libong toneladang primera klaseng durian sa Tsina.


Ito ay hindi lamang makakapagbigay-kasiyahan sa lumalaking pangangailangan ng pamilihang Tsino, kundi makakatulong sa pagpapataas ng kita ng mga magsasakang Pilipino at magpapabuti ng kanilang kondisyon ng pamumuhay.


Tunay na panalu-panalong resulta.


Kasalukuyang umaahon ang kabuhayan ng iba’t-ibang bansa, ngunit kinakaharap nila ang napakaraming hamon.


Walang ibang pagpipilian kundi kooperasyon upang mapangalagaan ang malusog at matatag na pag-unlad ng kabuhayang pandaigdig.


Para sa Tsina at Pilipinas, ang hamon ay kung paano sasamantalahin ang iba’t-ibang uri ng positibong elemento upang mapasulong ang pagbangon ng kabuhayan.


Bilang magkaibigang kapitbansa, ang pagpapalalim ng kooperasyon at lubos na paggagalugad ng pagkokomplementong pangkabuhayan at pangkalakalan ay realistikong pagpili para harapin ang mga negatibong elemento at upang maisakatuparan ang panalu-panalong resulta.

Ang kasalukuyang taon ay ika-10 anibersaryo ng pagharap ng inisyatiba ng “Belt and Road.”


Sa pamamagitan ng magkasamang konstruksyon ng “Belt and Road,” at pagpapalakas ng kooperasyon sa mga mekanismong tulad ng “G77 plus China,” umaasa ang Tsina at Pilipinas na mapapasulong ang de-kalidad na pag-unlad sa kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan mabebenepisyunan ang mga mamamayan ng dalawang bansa, patuloy na mapapasigla ang kooperasyon, at maipagpapatuloy ang mahigit isanlibong taong pagkakaibigang Sino-Pilipino.


May-akda / Salin: Lito

Pulido: Rhio