Abalang-abala ang mga magsasaka ng durian sa Davao nitong panahon ng anihan dahil ang mga sariwang durian ng Pilipinas ay nakakapasok ngayon taon sa merkadong Tsino, isa sa mga pinakamalaking consumer market ng durian sa daigdig.
Bago iluwas sa Tsina, idinaraan ang mga durian sa mahigpit na proseso para maigarantiya ang kalidad ng bawat durian na pumapasok sa Tsina.
Una, pinipitas ng mga magsasaka ang mga hinog na durian. Mas maganda ang hitsura at mas masarap ang lasa ng mga durian na hinog-sa-puno. Matapos pitasin, dinadala ang mga durian sa packaging facility.
Ang ikalawang hakbang ay pag-uuri-uri. Isa-isang sinusuri ng mga magsasaka ng durian ang mga prutas na ito, at inu-uri-uri ayon sa klase at pagkahinog.
Ang mga durian namang masyadong hinog na ay ipinapasok sa deep processing workshop, para gawing frozen durian meat at iba pa.
Ang natitirang mga durian na may katamtamang maturity ay papasok sa susunod na mga hakbang.
Sunod ay ang paglilinis, pagdede-impeksyon at pagpapatuyo sa hangin. Gamit ang eskoba, air-gun, tsani at ibang mga kasangkapan, maingat na nililinis ng mga trabahante ang bawat durian, para alisin ang alikabok at maliliit na insekto sa ibabaw.
Tapos, ibinababad ang mga ito sa disinfectant para lalo pang mawala ang mga mikroorganismong gaya ng bakterya.
Kasunod ay papatuyuin ang mga durian sa tulong ng bentilador.
Ikaapat ay ang pagbabalot at pagtitimbang.
Isa-isang inilalagay ang mga durian sa karton at pinaghihiwalay gamit ang paperboard para hindi magsiksikan at masira ang mga ito sa proseso ng paglilipat.
Tapos, tinitimbang at inirerekord.
Panghuli, makaraan ang inspeksyon at kuwarentena ng mga tauhan ng Kagawaran ng Agrikultura ng Pilipinas sa Davao, ikinakarga ang mga durian sa malaking container.
Tapos, ibinibiyahe ang mga ito papunta sa Tsina.
Ayon sa Kagawaran ng Agrikultura ng Pilipinas, tinatayang mailuluwas sa Tsina ang mahigit 54,000 toneladang durian ngayong taon.
Sana ay mas marami pang sariwang durian ng Davao ang makapasok sa merkadong Tsino ngayong taon, upang mas maraming tao ang makatikim sa napakasarap na prutas ng Pilipinas.
Video: Kulas
Pulido: Rhio/ Jade