Tigil-putukan, ipinanawagan ng Tsina sa Palestina at Israel: estado ng Palestina, kailangang itayo

2023-10-08 14:55:55  CMG
Share with:

Kaugnay ng matinding sagupaan sa pagitan ng Israel at armadong grupo ng Palestina sa Gaza Strip, ipinahayag ngayong araw, Oktubre 8, 2023 ng Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na nababahala ang panig Tsino sa nangyayaring kaguluhan.

 

Nananawagan aniya ang Tsina sa iba’t-ibang may-kinalamang panig na panatilihin ang pagtitimpi, agarang itigil ang karahasan, pangalagaan ang mga sibilyan, at pigilan ang ibayo pang paglalala ng kalagayan.

 

Sa loob ng mahabang panahon, natigil aniya ang prosesong pangkayapaan ng Palestina at Israel.

 

Hinggil dito, ang pundamental na paraan ng paglutas sa sagupaan sa pagitan ng Palestina at Israel ay pagsasakatuparan ng resolusyon ng dalawang estado at pagtatatag ng independiyenteng estado ng Palestina, dagdag niya.

 

Nanawagan din siya sa komunidad ng daigdig na pasulungin ang pagpapanumbalik ng talastasan sa lalong madaling panahon at hanapin ang landas ng pangmatagalang kapayapaan.

 

Aniya pa, patuloy na magsisikap ang Tsina, kasama ng komunidad ng daigdig, para rito.


Salin: Ernest

Pulido: Rhio