Delegasyong kongresyonal ng Amerika, kinatagpo ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina

2023-10-10 10:39:43  CMG
Share with:

Beijing Sa kanyang pakikipagtagpo Oktubre 9, 2023 sa delegasyong kongresyonal ng Amerika na pinamumunuan ni Senate Majority Leader Chuck Schumer, tinukoy ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina na pinakamahalagang bilateral na relasyon sa daigdig ang relasyong Sino-Amerikano.


Ani Xi, palagiang ipinalalagay ng panig Tsino na mas malaki ang komong kapakanan ng Sino-Amerikano kaysa kanilang alitan. Ang pagbangon ng buong mundo pagkatapos ng pandemiya, pagharap sa pagbabago ng klima, at paglutas sa mga mainit na isyung panrehiyon at pandaigdig, ay pawang nangangailangan ng pagkokoordinahan at pagtutulungan ng kapuwa bansa, aniya.


Umaasang mapapalakas ng organong lehislatibo ng Tsina at Amerika ang kanilang pagpapalagayan at diyalogo upang makapagbigay ng positibong ambag sa pagpapabuti ng relasyong Sino-Amerikano, diin pa ni Xi.


Isinalaysay naman ni Schumer ang kanyang opinyon at palagay tungkol sa relasyong Amerikano-Sino.


Ipinahayag niya na ang matatag na pag-unlad ng relasyong ito ay hindi lamang mahalaga para sa kapuwa bansa, kundi may kaugnayan sa kapayapaan at kaunlarang pandaigdig.


Inaasahan aniya ng panig Amerikano na mapapalakas ang kooperasyon nila ng panig Tsino sa bilateral na kalakalan at pamumuhunan, at mapapalalim ang kanilang pagkokoordinahan at pagtutulungan sa mga isyung tulad ng pagharap sa pagbabago ng klima, pagbibigay-dagok sa droga, at pagresolba sa bakbakang panrehiyon.


Salin: Lito

Pulido: Ramil